Pinangangambahang tataas muli ang presyo ng maraming produkto oras na maipatupad ang bagong polisiya sa mga pier.
Ayon sa ilang trucking at busines groups, kung maipapatupad ang bagong container monitoring system ng Philippine Ports Authority, may dagdag na P35 bilyon sa import costs kada taon.
Dahil dito, tataas anila ang presyo ng maraming bagay dahil karamihan sa sangkap at raw materials na ginagamit sa Pilipinas ay galing sa ibang bansa.
Damay na pati presyo ng pagkain, mga gamit at pati balikbayan box.
"This AO [Administrative Order] is not just anomalous, it's also delusional. Marami siya claim na hindi totoo with this AO on the part of truckers alone, six steps madagdagan bago kami makabiyahe. Six steps! Paano bababa ang costs sa six steps na additional?" ani Rina Papa ng Alliance of Concerned Truckers and Organizations
Pati balikbayan boxes, damay sa posibleng taas-presyo kaya maraming businesss groups na rin ang sumali sa protesta.
"Kung talagang tumaas 'yung cost nila, wala sila choice. Same thing what were dealing in this case. Sa umpisa you may not feel it, but after that when they can see the numbers, it's adding cost to operations," ani Philippine Chamber of Commerce and Industry President George Barcelon.
Pero pinabulaanan naman ng Philippine Ports Authority sa isang pahayag na makakadagdag ng gastos ang bagong container monitoring system na itatalaga nila.
"PPA's TOP-CRMS uses technology for up-to-date container tracking allowing customers, carriers, freight forwarders, and shippers to access the status of their cargoes and containers," ani PPA.
Ito rin anila ay para mas maging maayos ang proseso sa mga pier.
Nagpadala na rin ng open letter ang iba't ibang grupo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para hilingin na ibasura na ang bagong regulasyon ng PPA.
-- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.