PatrolPH

Presyo ng asukal, harina tumaas sa ilang palengke

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2022 05:30 PM

MAYNILA — Isa’t kalahating kilo ng harina at 2 kilo ng asukal ang nagagamit ni Corazon Hilongo kada araw sa paghahanda niya ng mga meriyenda at samalamig na kanyang tinda. 

Sa 2 sangkap pa lang aniya ay talo na siya dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo.

Mula sa P28 kada kilo, P40 kada kilo na ngayon ang bili niya sa harina habang mula naman sa P45 kada kilo, ngayon ay P49 na ang bili niya sa asukal. 

Aniya hindi naman niya basta maitaas ang presyo ng mga tinda dahil siguradong mababawasan din ang bibili.

"Wala na nga kaming kinikita talaga eh ganun pa rin ang presyo namin di naman kami puwedeng magtaas kasi di naman po nabibili kung taasan namin... Bawas kita na lang talaga," ani Hilongo.

PRESYO NG ASUKAL AT HARINA SA MEGA Q-ART:

  • WHITE SUGAR - P70/KILO MULA SA P60
  • WASHED - P55/KILO MULA SA P48
  • BROWN - P57/KILO MULA SA P50
  • HARINA - P900/SAKO MULA SA P820

Ayon sa tinderang si Rosalie Ferriol, nagulat din sila sa biglang laki ng pagtaas ng mga presyo pero hindi rin nila alam ang rason.

Paliwanag ni Sugar Regulatory Board Administrator Herminigildo Serafica, walang shortage sa supply ng asukal. 

Nagkaroon lang ng kaunting pagbagal sa mag-refine ng asukal matapos masira ang ilang warehouse at 2 refineries sa Negros dahil sa bagyong Odette pero nakakahabol naman umano sa produksyon ang bansa. 

Hinala niya, may mga byaherong nagsasamantala at idinadahilan ang nangyari sa Odette.

"Medyo bumagal yung production ng refining so yung mga traders, ginamit itong rason na samantalahin yung nangyari sa Odette," ani Serafica.

SRP NG ASUKAL

  • REFINED: P50/KILO
  • RAW (BROWN): P45/KILO

Aniya, maglalabas siya ng show-cause order sa mga tindahang nagbebenta ng asukal na mas mataas sa itinakdang SRP at aalamin nila ang mga trader na nagpapatong nang malaki sa mga ibinabagsak sa mga pamilihan.

—Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.