Subsidiya sa hog raisers mas makakatulong kaysa price freeze: Zarate

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2021 06:45 PM

MAYNILA – Subsidiya mula sa gobyerno ang nakikitang sagot ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate sa mataas na presyo ng mga karneng baboy at manok.

Sabi sa TeleRadyo ni Zarate, hindi puwedeng price freeze lang ang palaging sagot ng gobyerno kapag tumataas ang presyo ng mga bilihin.

Tutal naman aniya ay maituturing na nasa panahon ng kalamidad ang bansa, mas mabuting i-subsidize ang mga produkto ng mga magsasaka at ibang producers gaya ng ginawa sa mga nakaraang taon.

"Puwedeng gamitin dito 'yung quick response fund ng pamahalaan na sa aming pagtataya ay mahigit P6 bilyon na sa kasalukuyan, so puwedeng i-tap ito habang hinahanapan ng pangmatagalang lunas itong problema," ani Zarate. 

Puwede rin aniyang bilhin ng gobyerno sa tamang presyo ang mga produkto at saka ito ibenta sa consumers sa mas mababang presyo.

Samantala, nananawagan ang grupo ng meat processors na payagan ang local hog raisers na mag-angkat ng karneng baboy nang walang taripa. 

Malaki na daw kasi ang lugi ng hog raisers dahil sa African swine fever (ASF).

Kung maaari aniya, pautangin ng LandBank ang mga magbababoy para makapag-import ng 50,000 metric tons ng baboy.

"Hanggang sa mababa na ang presyo ng baboy sa market. Wala tayong timeframe nito. Ang importante rito, pag naka-import ang hog raisers natin ay makabawi sila... Siguro naman merong pera ang LandBank na mapapautang sa kanila," ani Felix Tiukinhoy, presidente ng Philippine Association of Meat Processors, Inc.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.