PatrolPH

2 bagong strain ng ASF tinututukan, pinangangambahan

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2021 07:19 PM

2 bagong strain ng ASF tinututukan, pinangangambahan 1
George Calvelo, ABS-CBN News/File

MAYNILA - Binabantayan ng mga awtoridad ang dalawang panibagong strain ng African swine fever na naiulat mula sa bansang China na nakuha umano sa hindi rehistradong bakuna kontra sa sakit. 

Ang mga strain ay pinangangambahan ng ilang grupo lalo't maaaring kumapit ito sa frozen meat, maging sa mga de lata. 

Ayon sa mga awtoridad, hindi ito nakamamatay pero nagiging sanhi ito ng kondisyon kung saan mas kakaunti ang mga naipapanganak na baboy. 

Mahigit 1,000 baboy na ang tinamaan ng mga bagong strain sa China. Ang problema, ayon sa Bureau of Animal Industry, mahirap itong ma-detect at ma-control kumpara sa naunang strain. 

Watch more on iWantTFC

"Kapag 'yung variant mo ang epekto niya ay mild disease, tatamlay na siya, lalagnatin na siya, napakahirap na sakit niyan kasi maraming sakit na ganyan ang diagnosis, manifestation niyan. Mahirap ang kaniyang management," ani BAI Director Ronnie Domingo. 

Dahil dito, nag-iingat ang Pilipinas na hindi basta magsagawa ng field trials ng mga bakuna kontra ASF. 

Nababahala naman ang ilang grupo ng mga magbababoy na makapasok muli sa bansa ang mga bagong strain. Pinag-aaralan na kasi ng DA na alisin ang taripa sa imported na karneng baboy. 

Nakikita umano ng ahensiya ang importasyon bilang solusyon para maibsan ang kulang na suplay ng baboy ng bansa. 

Ang problema, puwedeng mabuhay ang bagong ASF virus sa frozen meat nang hanggang 300 araw. 

Ayon sa Pork Producers Federation of the Philippines, matagal na nilang panawagan na paigtingin ng gobyerno ang border control para masuri ang lahat ng pumapasok na imported na karne, maging ang hand-carried items na canned goods na maaaring kapitan ng ASF virus. 

"Wala tayo nung tinatawag na first border inspection facilities kung saan sana mache-check 'yan bago natin tanggapin ang ini-import na karne ng baboy, manok o kung ano mang ini-import. Dadaan diyan eh puwede natin i-reject kung may dala 'yang bird flu, ASF," ani Nicanor Briones, bise presidente ng grupo. 

"Eh kung napasok tayo ng ibang strain, wala namang gamot, walang bakuna. Aba eh lalo na ngayong delikado 'yung natitirang 30 percent sa Luzon at 'yung mga Visayas, Mindanao puwede ring maubos ang baboy," dagdag niya. 

Giit naman ng Samahang Industriya ng Agrikultura na kailangan nang mag-import ng karneng baboy dahil kulang na ang local supply, basta't huwag nang alisin ang taripa, at ayusin ang border control, na itinuturing na pag-asa para mapigilan ang bagong strain ng ASF. 

"Kung ngayon tatanungin mo ako with the stocks, ang nawala 45 percent na and going up, nag-spread na rin sa Visayas. Hindi talaga natin kaya 'yung stocks natin dito. Ang nire-request natin 'yung pagsuri ng mga sakit kasi kung itong mga baboy naubos na, kung hindi natin implement 'yung pag-check tapos pumasok pa 'yung bird flu, malaking sakit ng ulo natin," ani SINAG President Rosendo So. 

Nanindigan naman ang DA na iniinspeksiyon nila ang mga pumapasok na karneng baboy sa bansa, maliban na lang kung smuggled na ito. 

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.