PatrolPH

Presyo ng bulaklak tumaas sa Dangwa Market

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2023 02:32 PM

ABS-CBN News/File
Tindahan ng bulaklak sa Dangwa Flower Market sa Maynila noong Pebrero 12, 2021. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File

MAYNILA — Ilang linggo bago mag-Valentine's Day, nagsimula nang tumaas ang presyo ng mga bulaklak sa Dangwa Flower Market sa lungsod na ito, base sa pag-iikot ngayong Huwebes.

Bagama't matumal pa ang benta, kabilang sa mga tumaas ang presyo ay ang rosas.

Nasa P700 na ngayon ang isang bundle ng local roses na long stem mula P300 habang P80 na ang kada stem mula P30.

Mula P100 hanggang P120, ngayo'y P300 hanggang P350 na ang isang bundle ng short-stem roses.

Umakyat naman sa P1,500 ang presyo ng isang bundle ng imported roses mula P1,000 habang P100 kada piraso na dating P80.

Tumaas din ang presyo ng sunflower, na ngayo'y P800 kada bundle mula P500 at P80 kada piraso mula P50.

Umabot naman sa P250 ang presyo ng carnation, na dating P220.

Mula P220, tumaas sa P300 ang 10 stem ng gerbera.

Pumalo naman sa P300 ang kada kilo ng baby's breath mula P150.

Ayon sa mga tindera, mataas ang presyo ng mga bulaklak ngayon dahil kulang ang supply nito bunsod ng malamig na klima.

Para sa mga mamimili na nagtitipid, may opsiyon naman silang mamimili ng dried flowers na nagkakahalaga ng P70 kada piraso habang P700 ang customized bouquet nito.

Puwede rin umanong subukan ang wooden flowers na P50 kada piraso habang P500 hanggang P700 ang customized bouquet.

Ayon pa sa mga nagtitinda, hindi na tataas ang presyo ng dried flowers at wooden flowers, hindi gaya ng mga fresh flower na posible pa umanong dumoble ang presyo habang papalapit ang Valentine's Day.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.