PatrolPH

Malls handang sumunod sa utos kaugnay ng age restriction

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2021 06:29 PM | Updated as of Jan 26 2021 07:21 PM

Malls handang sumunod sa utos kaugnay ng age restriction 1
Nagpapatupad ng social distancing at iba pang protocol sa SM North Edsa sa Quezon City noong Mayo 27, 2020 para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. Jontahan Cellona, ABS-CBN News/File


MAYNILA — Iginiit ng mga malalaking shopping mall company na susunod sila sa utos ng pangulo na huwag munang payagan makapasok sa kanilang establisimyento ang mga menor de edad pati ang senior citizens na lagpas 65 taong gulang.

Makalalabas na sana ng kanilang mga bahay ang mga may edad 10 hanggang 14 pero binawi ito noong gabi ng Lunes ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Tiniyak ng SM Malls na susunod ang lahat ng kanilang mall sa bansa kaugnay sa pagpapasok sa mall ng mga menor de edad pati na rin mga matatandang may edad lagpas 65.

Watch more on iWantTFC

Sayang lang dahil malaking tulong sana ito para mapasigla ang maliliit na negosyo habang naipapatupad naman ang mahigpit na health protocols, ani SM Supermalls President Steven Tan.

Susunod din umano ang 32 na Ayala Malls sa buong bansa sa ano mang utos ng gobyerno.

Ayon kay Mei-Mei Bauzon, head of operations sa Ayala Malls, patuloy din ang pagpapatupad ng safety protocols sa kanilang malls.

Sa isang pahayag, sinabi naman ng Robinsons Malls na palagi silang susuporta at susunod sa patakaran ng gobyerno.

Pero umapela ang mga mall na sana'y sa susunod na buwan ay mapayagan nang makapasok ang mga bata at matatanda.

Simula ng pandemya, wala pang kalahati ng dating dami ng tao ang pumupunta sa mga mall.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.