PatrolPH

DA nakikipag-usap na sa Vietnam para sa vaccine trials vs ASF

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2021 05:34 PM

DA nakikipag-usap na sa Vietnam para sa vaccine trials vs ASF 1
George Calvelo, ABS-CBN News/File. 

MAYNILA - Nakikipag-ugnayan na sa bansang Vietnam ang Department of Agriculture para sa mga trial ng mga bakuna kontra African swine fever (ASF). 

Sa isang presser nitong Martes, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na may bakuna na rin kontra ASF sa Vietnam at nakikipag-ugnayan na sila sa bansa para magkaroon din ng trial dito sa Pilipinas.

"Ang UK [United Kingdom] din na last year pa, nagpapasabi tayo na kung available na ito ay mag-trial din tayo sa bansa at ganoon din sa Vietnam. We are now touching base with the Ministry of Agriculture and Food sa Vietnam para agad-agad ay mai-trial at magamit na yung bakuna para sa ASF," ani Dar. 

 

Isang dahilan ng kakulangan ng suplay ng baboy ang pagtama ng ASF sa Pilipinas, bagay na ayon sa hog raisers ay nakaapekto sa kanilang mga negosyo, maging sa presyo ng baboy sa ilang pamilihan. 

Ayon kay Dar, nasa 500,000 na ang na-cull o pinatay na mga baboy dahil sa ASF at pinakaapektado dito ang mga backyard hog raisers. 

Ayon pa kay Dar, natapos na ang paggawa ng rapid test kits para sa African swine fever sa Central Luzon State University at simula Pebrero ay magma-mass produce na ang ahensiya.

"Ito ay gagamitin na, itong February we will be mass-producing it at gagamitin doon sa monitoring and surveillance kahit wala pang sakit ay ito na yung mag-pool testing at mas makikinabang ang hog raisers para dito sa rapid test kit," ani Agriculture chief William Dar. 

Paiigtingin din ng mga awtoridad ang monitoring at surveillance, maging ng quarantine checkpoints para masigurong wala nang makakapasok sa bansa na mga frozen meat na may ASF.

Pag-aaralan din ng DA ang hiling ng Philippine Association of Meat Processors, Inc. na zero percent tariff para sa mga imported na baboy bilang tugon sa demand sa karneng baboy sa bansa.

Sabi ni Dar, pag-uusapan ito, gayundin ang mga panukala na ibaba ang taripa sa mga imported na karneng baboy na sa kasalukuyan ay nasa 40 porsiyento sa labas ng minimum access volume at 30 porsiyento sa loob ng 54,000 metric tons na minimum access volume.

 

Sa ngayon, nakabinbin pa sa Malacañang ang rekomendasyon ng ahensya na magpatupad ng price freeze para sa karneng baboy at manok. 

Kasali sa inirerekomenda na papatawan ng price freeze ang mga ibinebenta sa supermarkets at gayundin ang frozen meat.

LINK: https://news.abs-cbn.com/business/01/25/21/pagpataw-ng-price-ceiling-sa-baboy-manok-tinutulak

Ang inirekomendang price ceiling para sa pigue ay P270 kada kilo, para sa liempo ay P300 at para sa manok ay P160 kada kilo.

Gayunpaman, madaming grupo ang nagsabing hindi sagot ang price freeze sa problema sa nagmamahalang presyo gaya ng Samahang Industriya ng Agikultura at United Broiler Raisers Association.

Babala nila, mas magkakaroon ng problema sa supply kapag ipinatupad ito dahil madaming negosyante ang aatras dahil sa takot na malugi.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.