Grab pinagmumulta ng P6.5M dahil kulang ang datos sa pasahe

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2019 08:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Muling pinatawan ng Philippine Competition Commission (PCC) ng multa ang ride-hailing company na Grab dahil sa paglabag umano nito sa napagkasunduang price monitoring sa sinisingil na pasahe. 

Ayon kay PCC Chairman Arsenio Balisacan, ipinataw ang multang P6.5 milyon laban sa Grab noong Enero 22 dahil mali at hindi umano tugma ang datos na ibinigay ng Grab noong Agosto hanggang Nobyembre 10. 

Ayon naman kay PCC Commissioner Johannes Bernabe, kinakailangang kumpleto ang datos para tiyakin ng komite na hindi nagbago ang pamasahe ng Grab kahit nabili na ng Grab ang ride-hailing app na Uber sa bisa ng isang merger. 

Nakipag-anib ang Grab sa dati nitong kakompitensiya na Uber matapos mangako ng mas mababang cancellation rates at mas makatarungang surge pricing, o ang pagtaas ng pasahe tuwing mataas ang demand para sa mga sasakyan. 
 
Sumang-ayon din ang Grab na ma-monitor ng isang third-party trustee ang kanilang pasahe. 

"Dapat kumpleto at accurate (ang data) so may ilang sitwasyon na nakita namin na hindi kumpleto or kulang... Dapat mayroon kayong gawin na human intervention,” aniya. 

Sa isang pahayag, sinabi ni Grab Philippines President Brian Cu na i-aapela nila ang desisyon dahil masyadong marami umano ang datos na kailangan nilang isumite. 

Aminado rin silang kinapos sila sa oras para masunod ang deadline ng PCC. Nakiusap din ang Grab para maunawaan kung paano umabot sa mahigit P6 milyon ang multa.

“We assure our passengers that we are charging fares within the range as allowed by the Land Transportation Franchising and Regulatory Board,” ani Cu. 

Magugunitang pinagmulta na rin ang Grab ng P12 milyon noong Oktubre kaugnay ng mga paglabag umano nito sa ilang kondisyong ipinataw sa merger nila ng kakompetensiyang Uber. 

--Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.