20 porsiyento ng mga gasolinahan nagdagdag na ng buwis: DOE

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2019 06:32 PM | Updated as of Jan 25 2019 09:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patuloy ang pag-inspeksiyon ng Department of Energy (DOE) sa mga gasolinahan na nagpataw na ng pangalawang bugso ng fuel excise tax sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Ayon sa DOE, nasa 20 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga gasolinahan sa bansa ang nagpataw na ng dagdag-buwis.

Bukod sa pag-iinspeksiyon sa kalidad ng mga langis na ibinebenta, hinihingan ng DOE ang mga gasolinahan ng listahan ng imbentaryo para malaman kung20 dapat na ba silang maningil ng fuel excise tax.

Sa kasalukuyan, nasa 20 hanggang 30 retail outlet na ang pinagpapaliwanag ng ahensiya.

"Nagbigay po kami ng show cause orders at binibigyan namin sila ng pagkakataon na magpaliwanag sa amin bakit nagpataw po sila kahit hindi pa sila nagdedeklara sa amin," ayon kay DOE Assistant Secretary Bodie Pulido.

Kapag napatunayan ang paglabag, mahaharap ang establisimyento sa kasong estafa at posibleng pagpapasara ng gasoline station.

Inaasahan na pagdating ng Pebrero, halos lahat ng mga gasolinahan ay maniningil na ng buwis sa produktong petrolyo.

OIL PRICE HIKE

Bukod sa pasakit na dulot ng buwis, nagbabadya pang tumaas ulit ang presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Batay sa apat na araw na trading sa world market, posibleng lumobo ng P0.50 hanggang P0.55 ang dagdag sa presyo ng kada litro ng diesel habang P0.20 hanggang P0.25 naman ang maaaring dagdag sa presyo ng kada litro ng gasolina.

Kaya napapailing na lang ang jeepney driver na si Jerson Timbang nang magpakarga sa Makati City nitong Biyernes ng umaga.

Halos wala na raw kasi siyang naiuuwi sa pamilya.

"Lalo kaming namomroblema ngayon sagadsad sa traffic simula nang ginagawa itong sa Estrella-Pantaleon bridge. Lalo pang magtataas ang diesel, wala na kaming maiiuwi niyan. Ang naiuuwi namin ngayon P400 ganu'n," hinaing ni Timbang.

—Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.