PatrolPH

ALAMIN: Taas-presyo sa petrolyo sa Enero 25

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2022 12:01 PM | Updated as of Jan 24 2022 06:37 PM

MAYNILA (UPDATE) — Magkakaroon ng malaking pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa Martes, Enero 25, ayon sa mga kompanya ng langis.

Ito na ang ikaapat na sunod na linggong nagkaroon ng big-time oil price hike.

Narito ang price adjustments:

Caltex (Alas-12:01 ng hatinggabi)
GASOLINA +1.45/L
DIESEL +1.90/L
KEROSENE +1.70/L

Shell, Seaoil, Petron, Flying V (Alas-6 ng umaga)
GASOLINA +1.45/L
DIESEL +1.90/L
KEROSENE +1.70/L

PetroGazz, PTT Philippines, Unioil, Phoenix Petroleum (Alas-6 ng umaga)
GASOLINA +1.45/L
DIESEL +1.90/L

Cleanfuel (Alas-4:01 ng hapon)
GASOLINA +1.45/L
DIESEL +1.90/L

Mula Enero 1, umabot na sa P7.20 ang kabuuang iminahal nang kada litro ng diesel, P4.95 sa gasolina at P6.75 sa kerosene.

Aminado ang gobyerno na wala silang magawa sa patuloy na pagmahal ng petrolyo dahil imported ito at may kakulangan sa supply ng langis sa buong mundo.

"Kung ang dahilan ng pagtaas ay presyo sa international market, wala naman po tayong magagawa dahil talaga pong imported ang lahat ng ating produkto," ani Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero.

"Ang [Department of Energy], ine-ensure lang din talaga na 'yong ano mang adjustment na nangyayari sa local market ay dahilan sa presyuhan sa international market," dagdag ni Romero.

Tanggap naman ng grupong Laban Konsyumer na walang magawa ang Department of Energy kaya ang hirit nila'y imbestigahan kung nagbabayad nang tamang buwis ang mga kompanya ng langis.

"Ang atin pong mungkahi, special task force na sigurado naman ang mga consumer ay magkaroon ng paliwanag na reasonable naman itong mga pagtaas ng presyo at sila'y nagbabayad ng tamang buwis," ani Laban Konsyumer President Vic Dimagiba.

Unbundling o paghimay ng presyuhan naman ang hirit ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.

Sa pag-iikot sa Metro Manila, lagpas P60 ang litro ng gasolina habang P52 hanggang P56 naman sa diesel.

Sa mga probinsiya, higit P60 na rin ang litro ng gasolina, nasa P66 ang pinakamahal, habang P50 naman ang diesel.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.