PatrolPH

Taas-presyo sa petrolyo, LPG nagbabanta

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2019 07:52 PM

Watch more on iWantTFC

Nagbabadyang magkaroon ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na lingo at sa presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) sa weekend papasok ng Pebrero.

Sa unang tatlong araw ng kalakalan sa pandaigdigang merkado, nasa P0.65 na ang iminahal ng presyo ng imported diesel habang P0.40 naman sa gasolina.

Sakaling matuloy, ito na ang ikaapat na sunod na linggong nagkaroon ng taas-presyo sa petrolyo ngayong 2019.

Kasabay ng sunod-sunod na taas-presyo sa petrolyo, dumadami na rin ang mga gasolinahan na nagpatupad ng mas mataas na excise tax o buwis sa langis.

Bukod sa petrolyo, inaasahang magkakaroon din muli ng taas-presyo sa LPG sa susunod na weekend.

Naglalaro sa P0.60 hanggang P1.50 ang inaasahang taas-presyo sa LPG sa Pebrero, ani South Pacific, Inc. President Jun Golingay.

Nauna nang sinabi ni LPG Marketers' Association (LPGMA) party-list Rep. Arnel Ty na bunsod ito ng galaw ng presyo sa pandaigdigang merkado.

May ilang brand na ng LPG ang nagpatupad nitong Enero ng dagdag na higit P12 kada regular na tangke bunsod ng mas mataas na excise tax.

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay nagsabing walang magagawa ang gobyerno sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.