Timbang ng produkto, di swak sa presyo; ilang pamilihan, nasita

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2018 11:03 PM | Updated as of Jul 18 2019 05:15 PM

Watch more in iWantTFC

Nasita ng mga tauhan ng Department of Trade and Industry (DTI) nitong Miyerkoles ang ilang pamilihan dahil sa maling timbang at presyo ng mga ibenebentang gulay.

Linggo-linggo nang susugod ang DTI sa mga pamilihan para isa-isahin ang presyo ng mga pangunahing bilihin at matiyak na pasok pa rin ang mga ito sa suggested retail price (SRP).

Marami kasi ang nangangamba na magtaas ang presyo ng mga bilihin sa pag-arangkada ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Kabilang sa mga nasita ng DTI ay ang isang sangay ng Savemore sa Pasay.

"Mas mahal 'yong nasa tag kaysa doon sa actual weight," sabi ni Trade Undersecretary Ruth Castelo. "Siyempre bawat sentimo mahalaga."

Tulad ng Savemore, iba rin ang price tag nang timbangin ang ilang gulay sa isang sangay ng Puregold.

Sa isang Liana's Supermarket, may ilang de lata naman na mas mababa pa ng higit piso ang presyo kumpara sa SRP.

Bukod sa mga supermarket, balak na rin patawan ng SRP ang mga pangunahing bilihing itinitinda sa mga sari-sari store.

Pero iba umano ang magiging SRP sa sari-sari stores dahil hinango lang ang mga produkto mula sa supermarket.

Ayon kay Castelo, ang mahalaga ay wala pang epekto sa ngayon ang reporma sa buwis.

"Aasahan na rin natin 'yong bahagyang pagtaas ng presyo ng manufacturers," ani Castelo.

Sa kasalukuyan, wala pang manufacturer na nag-abiso sa DTI na magtataas-presyo dahil sa bagong buwis.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.