Dahil mahal ang bilihin, ilang karinderya sa QC may taas-presyo sa paninda

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2021 12:54 PM | Updated as of Jan 22 2021 08:06 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Nagtaas nang P5 hanggang P15 ang benta sa ulam ng ilang mga karinderya sa Barangay South Triangle, Quezon City.

Bunsod ito ng mataas na presyo ng mga karne at rekado lalo na ang baboy nitong mga nakaraang linggo.

Napilitang magdagdag ng presyo ang ilang tindera tulad ni Melanie Medina dahil bumabawi na lang sila ng puhunan imbes na madadagdagan ang kita.

“Kasi 'pag di namin dinagdagan ang presyo malulugi din po kami. Kasi ‘yong puhunan parang ganoon lang ‘yong bumabalik, walang dumadagdag,” sabi ni Medina.

Pero hanggang P5 lang ang kaya nilang itaas dahil baka mawalan sila ng customer.

“Bawasan na lang namin nang kaunti ‘yong sa ulam po, kasi 'pag nagdagdag pa kami ng presyo, marami kasing nagrereklamo,” sabi niya.

Katwiran ng ibang may-ari ng karinderya, pang rekado pa lang ang pamalengke nilang P2,000.

Ang ibang karinderya sa Scout Bayoran Street, hindi nagtaas ng presyo o konti lang ang itinaas para sumabay sa mga katabi nila, kaya sa serving o dami ng ihahaing ulam na lang sila bumabawi.

Samantala, hindi na araw-araw naghahain ng baboy at baka ang karinderya ni Jovely Bofill dahil sa mahal ng bilihin.

Tinaas pa nila ang presyo ng putaheng baboy at baka mula P45 hanggang P60 pero hindi nila kaya na lagi itong ibenta.

Hindi rin maiwasan na may mga umaray sa presyo ng ulam.

“‘Yung ibang nagrereklamo kasi ang mahal, minsan sinasagot ko sila na lang mamalengke,” sabi ni Bofill. 

Pero sabi naman ng ilang customer, kailangan pa rin nilang bumili ng pagkain.

“Ganoon talaga ang negosyo, siyempre sa mahal ng bilihin magdadagdag ng presyo. Walang magagawa ang tao kasi magugutom, kakain talaga,” sabi ng customer na si Danny Beberino.

Hindi naman plano ng iba na ibaba ang kalidad ng pagkain na binebenta nila.

May isang karinderya na sumubok gumamit ng frozen na baboy na mas mura pero hindi nagustuhan ng mga suki nila kaya balik sila sa sariwa kahit mas mataas ang presyo. 

Umaasa naman sila na kahit walang magagawa sa pagtaas ng presyo ng bilihin ay maasikaso ito ng pamahalaan.

RELATED VIDEO

Watch more in iWantTFC