PatrolPH

Price ceiling kontra taas-presyo ng baboy, manok pinag-aaralan

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2021 09:12 PM

Price ceiling kontra taas-presyo ng baboy, manok pinag-aaralan 1
George Calvelo, ABS-CBN News

MAYNILA - Pag-aaralan ng Department of Agriculture ang paglalagay ng price ceiling o lilimitahan ang presyo ng mga pangunahing bilihin para mapababa ito sa lalong madaling panahon. 

Ito ay sa harap ng nararanasang taas-presyo sa presyo ng baboy at manok sa merkado, ayon kay Agriculture Undersecretary Ernesto Gonzales, lalo at hindi pa natatapos ang pandemya at madami ang nawalan ng trabaho.

Sobra-sobra rin umano ang pagpatong ng presyo ng mga traders. Sa ngayon, nasa P400 kada kilo ang liempo. 

"Right now ang farm gate [price] ng baboy ay nasa P230 to P250 per kilo. Halimbawa ilagay mo sa P250, maximum na 'yun. Dagdagan mo ng P80, so dapat ang presyo ng baboy nasa P330 lang. It should not go beyond P330, P350 per kilo,” sabi ni Gonzales.

Sa manok naman, dapat umano ay P160 lang ang kada kilo. Sa ilang pamilihan sa ngayon, umaabot umano ito sa P180 hanggang P200 kada kilo.

Nagkaroon ng taas-presyo sa mga palengke na epekto umano ng African swine fever at ang kakulangan daw ng suplay ng baboy na dala nito. 

Kasabay nito, tumaas ang demand sa manok.

Samantala, magdadala na rin ng karne ng baboy ang DA mula sa Ilocos Region papunta sa Metro Manila para mapunan ang demand. 

Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, 4 na toneladang karne ng baboy kada araw ang planong dalhin sa Metro Manila sa pamamagitan ng Kadiwa simula sa susunod na linggo at hindi tataas sa P300 kada kilo ang target na presyo nito.

Gayunpaman, kailangan pa ring mag-ingat na hindi masyadong maging mababa ang price ceiling ayon naman kay Assistant Secretary Kristine Evangelista.

"We have to see sa buong value chain kung sino ang matatamaan. Ideally we have to intervene sa gitna ng value chain para po ang ating farmers hindi malugi, at the same time ang consumers naman, hindi po mataas ang presyo pagdating sa kanila," ani Evangelista.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.