PatrolPH

Libo-libong empleyado apektado ng mga nagsasarang negosyo: DOLE

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2021 08:29 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Libo-libong mga manggagawa ang naapektuhan ng mga pagsasara ng mga negosyong may kinalaman sa pagkain at hotel accommodation dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic, ayon sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ayon sa DOLE, aabot sa 290,767 manggagawa mula sa food at accommodation business ang natigil sa trabaho dahil sa pansamantalang pagsasara ng mga kompanya. Ang mga ito ay galing sa 19,516 na establisimyento. 

Matatandaang maraming negosyo ang natigil pansamantala nang limitahan ng gobyerno sa essential businesses ang mga nakabukas dahil sa COVID-19 pandemic. 

Nang luwagan ang lockdown protocols, pinayagan ang ilang negosyo na mag-operate sa limitadong kapasidad. 

May ilang negosyong pansamantalang magsasara, gaya ng Makati Shangri-la Hotel, dahil sa pandemya. Plano rin nilang magbawas ng mga empleyado. 

Ayon kay Labor Undersecretary Dominique Tutay, tututukan nila ang pagbibigay ng benepisyo ng kompanya. At hinihintay rin nila ang opisyal na notice mula rito. 

"[Titingnan namin] doon sa pagbibigay po ng kanilang mga separation benefits kung tama ba 'yung computation. They would want alternative jobs so ima-match naman po 'yung mga skills po nila with the existing vacancies from the other companies," ani Tutay. 

Kasabay niyan, tuluyan nang nagsara ang ilang food and accommodation business, bagay na nakaapekto sa 40,465 manggagawa mula sa 3,858 na establisimyento. 

Ayon sa DOLE, tumatanggap pa sila ng aplikasyon sa COVID Adjustment Measures Program - ang kanilang aid program para sa mga manggagawang apektado ng pandemya. 

Ang grupong Defend Jobs Philippines, naglunsad din ng hotline para matulungan ang mga natanggal sa trabaho. 

Bukod sa tourism industry, kabilang sa mga naapektuhan ang mga administrative and support service industries gaya ng mga recruitment agency at security provider, mga maliliit na negosyo gaya ng computer shop, laundry service, car wash, at salon, pati na rin ang manufacturing at construction na inaasahang sisigla sa 2021.

— Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.