Taas-presyo sa ilang pangunahing bilihin hiningi

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2020 02:55 PM | Updated as of Jan 21 2020 07:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinag-aaralan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga hinihinging taas-presyo ng mga manufacturer ng ilang pangunahing bilihin, gaya ng mga de-lata at gatas, sabi ng opisyal ng kagawaran.

Nasa 2 porsiyento hanggang 13 porsiyento ang taas-presyong hiniling ng mga manufacter, katumbas ng P0.50 hanggang P2 kada item, ayon kay Ruth Castelo, Trade undersecretary para sa consumer protection.

Kabilang umano sa mga humiling ng taas-presyo ang mga manufacturer ng ilang brand ng sardinas, karneng de-lata, gatas, kape, condiments o mga panimpla, at sabong panlaba.

Hangga't maaari ay hindi magpapatupad ng taas-presyo ang DTI at palalawigin ang kasalukuyang suggested retail price (SRP).

Setyembre noong nakaraang taon nang huling mapalitan ang halaga ng SRP ng mga pangunahing bilihin.

MGA KONSUMER DAPAT KONSULTAHIN

Umapela naman si Laban Konsyumer President Vic Dimagiba sa DTI na huwag nang payagan ang taas-presyo, lalo at bumaba naman ang presyo ng petrolyo at kuryente.

Para kay Dimagiba, dapat isali ang mga consumer group, gaya ng Laban Konsyumer, sa mga konsultasyon bago aprubahan o ibasura ng DTI ang hirit na taas-presyo sa mga bilihin.

Pero ayon kay Castelo, wala namang nakalagay sa batas na kailangang ikonsulta sa alin mang grupo ng mga konsumer ang pag-apruba ng hirit na taas-presyo.

May magagaling na ekonomista at technical person ang DTI na tinitingnan kung talagang may batayan ang pag-adjust ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.