PatrolPH

Farmgate price ng sibuyas sa Nueva Ecija, bumagsak sa P120 per kilo

ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2023 04:52 PM

Nangalahati na ang farmgate price ng sibuyas sa ilang lugar sa Nueva Ecija, ayon sa Department of Agriculture. 

Sa Bongabon, Nueva Ecija, nasa P120 na lang ang farmgate price ng sibuyas mula sa P250 kada kilo noong Disyembre 2022. 

Pero maganda man pakinggan para sa mga konsumer, malaking dagok umano ito sa mga magsasaka. 

"Mahirap kapag bumaba ang presyo. Di na naman kami makakabayad ng mga utang namin kapag bumagsak presyo. Di rin kami makakapagpaaral ng anak namin kapag mababa ang kita. Dun pa lang sa aanihin na yun, di na namin alam paano kami makakaahon sa hirap," ani Randy Gervacio ng Bagong Pag-asa Farmers Association 

Ayon sa mga magsasaka, maganda ang kalidad ng inaani nilang sibuyas ngayong taon. 

Sa Nueva Ecija, 110 araw o mahigit 3 buwan ang hinihintay nila at isang beses lang sila mag-ani kada taon kaya talagang maaapektuhan sila sa pag-aangkat ng sibuyas. 

Tugon naman ng DA, na magkaroon ng market linkage o pagtulong sa mga magsasaka na humanap ng mga kompanyang direktang bibili sa kanila. 

Ang pangalawa ang pagtatayo ng cold storage facility para hindi na maipuwersa ang mga magsasaka na agad ibenta ang kanilang mga sibuyas. 

"Ayaw sana nating malugi ang ating mga magsasaka, if we have to help them find more buyers, may mga institutional buyers na dumederetso na sa kanila," ani Department of Agriculture Asec. Kristine Evangelista. 

Naniniwala naman ang DA na hindi lubos makakaapekto ang imported na sibuyas sa local farmers lalo't maliit lang ang inaasahang volume ang imported na sibiyas na papasok sa bansa. 

-- Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.