PatrolPH

NGCP nagbabala ng Luzon brownout pagsapit ng tag-init

ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2022 03:26 PM | Updated as of Jan 20 2022 07:44 PM

Watch more on iWantTFC

Nagbabala ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na posibleng magka-brownout sa Luzon sa tag-init, kasama ang araw ng eleksiyon.

Manipis kasi umano ang reserbang kuryente dahil taon-taon tumataas ang konsumo ng lahat kaya kailangan nakakahabol ang dami ng itinatayong power plants.

Ayon kay NGCP Spokesperson Cynthia Alabanza, sakto lang ang supply sa projected na pangangailangan sa darating na tag-init pero kapag may mga plantang pumalya, maaari itong mauwi sa red alert o power interruption.

"Kung kulang po ang supply ng kuryente at hindi ito sapat para mapunan ang pangangailangan natin, wala hong magiging choice ang transmission at distribution kundi mag-implement ng rotational power interruption. Ibig sabihin, ilang oras sa isang araw, posible po tayong mawalan ng serbisyo ng kuryente," ani Alabanza.

Hinikayat ng NGCP ang mga konsumer na maging matipid sa paggamit ng kuryente.

Inihirit naman ng grupong Laban Konsyumer sa Department of Energy at Energy Regulatory Commission na aksyunan ang problema para walang brownout at hindi rin tumaas ang singil sa kuryente.

"Maganda 'yong advanced notice ng NGCP pero after the advanced notice, what do you do now to ensure two things: no price increase and no rotating brownout," ani Laban Konsyumer President Vic Dimagiba.

Kinuwestiyon naman ni Energy Secretary Alfonso Cusi kung ano ang ginagawa ng NGCP kaugnay sa banta ng brownout.

Gumagawa na ng paraan ang gobyerno para masolusyonan ang problema pero dapat ding gawin ng NGCP ang responsibilidad nito, sabi ni Cusi.

Tinanong ni Cusi kung tiniyak na ba ng NGCP na available ang lahat ng power stations, konektado at wala nang congestion ang mga ito, at nakakontrata na ba ang ancillary services na puwedeng magamit kapag may emergency.

Water shortage

Samantala, pinawi naman ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang pangambang magkaka-water shortage sa tag-init dahil nakakasa na umano ang programa para maiwasan ang ganoong situwasyon.

"Kung talagang dumating sa punto na magkakaroon tayo ng kakulangan ng tubig, mayroon tayong inaprubahan, ang MWSS board of trustees ay inaprubahan ang package treatment plant ng Manila Water at Maynilad," paliwanag ni MWSS Administrator Bobby Cleofas.

"Ito ay sa Manila Water, ito ay manggaling sa tubig sa Marikina River, at ang Maynilad naman ay susuporta doon sa water supply sa Cavite," aniya.

Inaayos na rin umano ng MWSS ang programa para hindi mawalan ng water supply ang mga magsasaka sa Central Luzon.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.