PatrolPH

Kakulangan sa manok pinangangambahan dahil sa taas-presyo ng baboy

ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2021 07:58 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Napipinto na ang kakulangan ng suplay ng manok, ayon sa mga grupo ng mga broiler. 

Ito ay sa harap ng nararanasang pagtaas ng presyo ng baboy dahil sa umano'y kakulangan ng suplay nito sa merkado na dala ng epekto ng African swine fever (ASF). 

Ayon kay Atty. Bong Inciong, president ng United Broiler Raisers Association (UBRA) , marami na kasi ang naluluging nagmamanok na lumipat na sa pagnenegosyo ng itlog. 

Bukod dito, mas binibili na ang manok dahil sa pagtaas ng presyo ng baboy. Ayon sa UBRA, nasa P46 hanggang P47 na ang farmgate price ng manok, mas mataas sa P16 kada kilo noong 2019. 

Ayon kay Inciong, indikasyon ito na may kakulangan na sa kakayahan ng broiler industry. 

"Kapag nag-recover po 'yung demand, diyan po nagkakaalaman. Pag nagsimula na magbakuna, pag tumaas na ang kumpiyansa ng tao, kakain na sa labas, madadagdagan 'yung pressure sa industriya," ani Inciong. 

Imbis na importasyon, nanawagan naman ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na palakasin dapat ang lokal na produksiyon at paigtingin ang border control kontra ASF. 

"Mahirap mag-asa sa other countries kasi kung makita ng other countries na maliit ang production natin eh itataas din ang presyo. Kasi negosyo 'yun eh," ani SINAG chairman Rosendo So. 

Unang nabanggit ng DA na minamadali na nila ang pagdating ng 54,000 metric tons ng imported na karneng baboy mula sa mga bansang walang ASF. 

"Minobilize natin nu'ng 2020 at dito lang naman sa 2021 ay magbigay na kami ng import clearance para maparating na agad itong late February and Marso itong mga galing sa ibang bansa," ani Agriculture chief William Dar. 

Sunod naman umanong hahabulin ng DA ang mga trader na nagmamanipula ng presyo ng merkado. 

"It’s a range of those violators, mostly muna 'yung vendors. Our heightened alert in terms of looking at traders and wholesalers, ‘yun po ang susunod po namin na… Sila kasi 'yung masyadong nagmamanipula ng presyo dito sa mga wet market," ani Dar. 

Ang problema, hindi naman sakop ng Price Act ang pagsunod ng mga trader sa SRP. Kaya sa ngayon, pinag-aaralan ng DA na baguhin ang SRP. 

"Definitely we are talking now, that is under review. We are going to adjust that SRP," ani Agriculture Undersecretary Ernesto Gonzales. 

Umaasa ang DA na mas magiging aktibo ang mga local price coordinating council ng mga LGU sa pagtugis ng mga nananamantala ng presyo. 

— Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.