18 kawani ng Kalibo airport nagpositibo sa COVID-19, paliparan naka-lockdown

Rolen Escaniel, ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2021 05:44 PM

Naka-lockdown ang paliparan hanggang Enero 21, 2020 para sumailalim sa disinfection. Larawan mula sa Kalibo International Airport

KALIBO, Aklan - Umabot na sa 18 ang kaso ng COVID-19 na naitala sa paliparan ng Kalibo International Airport matapos isailalim sa swab test ang mga kawani nito.

Ayon kay Dr. Cornelio Cuachon Jr. ng Provincial Health Office ng Aklan, isinailalim ang paliparan sa lockdown mula Enero 19 hanggang 21 para magpatupad ang disinfection sa buong paliparan.

Sabi ni Cuachon, ang araw lamang ng Miyerkoles, Enero 20, ang apektado dahil wala namang flight sa ibang araw kung saan ipinatupad ang lockdown.

Balik operasyon na ang paliparan sa Biyernes, Enero 22. Dito dumaraan ang ilang mga turista patungong Boracay. 

Dagdag pa niya, nakapagtala na ang Aklan ng 550 COVID cases, kung saan 51 ang active at 17 ang namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.