Ilang market vendor hirap makabenta dahil sa mga serye ng taas-presyo

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2021 04:27 PM | Updated as of Jan 19 2021 08:15 PM

Mga ibinebentang baboy sa Balintawak Market. ABS-CBN News

MAYNILA - Dumadaing ang ilang nagtitinda sa mga palengke sa mga serye ng taas-presyo sa mga bilihin, partikular na sa mga karne. 

Ang pork vendor na si Jodan Dayo, suwerte nang tinuturing ang sarili kung nakakabenta ng 3 baboy sa isang linggo.

Wala umano siyang magawa sa presyo dahil sabi raw ng biyahero na nagdadala sa kaniya na mataas ang puhunan ngayong walang makuhang baboy.

"Naubos daw, dahil sa sakit, doon sa ASF (African Swine Fever). Sumasakit, saka yung iba, nagmamanok na daw. Yung mga piggery, nagmamanok na daw,” ani Dayo. 

Watch more in iWantTFC

Dating nabanggit ng mga grupo ng hog raiser na maraming sa kanila sa Luzon ang ayaw na munang lumahok sa hog trade ngayong may ASF at wala pang lunas o bakuna para rito. 

Ang tindero ng beef na si Lorenzo Cristobal, kalahati ang nawala sa kaniyang kita ngayong may coronavirus disease (COVID-19) pandemic na nasabay ng taas-presyo. 

Aabot naman sa P180 ang kada kilo ng bangus, at P120 ang kada kilo ng tilapia ngayon. Pero sabi ng tindera ng isda na si Cora Reyes, may mga pagkakataong binebenta na niya kahit palugi na ang presyo, maubos lang ang paninda. 

"'Wag lang masira. Kasi ganun din po ang [resulta] nun eh, magye-yelo, magre-re-ice ka pa din po ngayon. Tapos bukas, ganun din naman,” paliwanag ni Reyes.

Aabot naman sa P1,000 ang kada kilo ng sili sa ngayon. Gaya ng mga nagbebenta ng isda, hinahabol din ng mga vendor ang bentahan bago pa ito mabulok, kaya ibinebenta nila ito minsan sa mas mababang presyo. 

"Binababa na namin, kasi kailangan na pong maging pera. Kasi 'pag inabot pa, kinabukasan mas papangit na sya, mas bababa pa yung benta," ayon sa nagbebenta ng sili na si Cheche Sosa. 

Umaasa ang mga nagbebenta na bababa ang presyo ng mga pagkain para magbalikan na ang kanilang mga suki. 

— Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.