Hahabulin ng Department of Agriculture ang mga mapagsamantalang trader na nagiging dahilan ng pagtaas ng presyo ng gulay sa mga pamilihan, sabi ni Agriculture Secretary William Dar.
Ayon kay Dar, totoong naapektuhan ng sunod-sunod na bagyo noong nakaraang taon ang presyo ng pagkain pero hindi dapat kalakihan ang dagdag-presyo.
Ang mas malaking perwisyo, ayon sa kalihim, ay ang mga trader na sobra kung magpatong sa mga produktong ipinapasa sa mga nagtitinda.
"Another factor ay itong mga traders bringing produce to the bagsakan areas from the provincial areas ay masyadong mataas po ang bigay po nila dito sa mga wet market sa Metro Manila," ani Dar.
"Mayroon na kaming ikinakasang economic intelligence para makasuhan itong mga traders na unscrupulous or profiteers sila," dagdag ng kalihim.
Padadamihin umano ng Department of Agriculture ang supply sa palengke para mapababa ang mga presyo.
Base pag-iikot naman ng ABS-CBN News, narito ang presyo ng ilang panindang gulay sa Commonwealth Market:
- Sitaw - P15 hanggang 20 kada tali
- Okra - P15 hanggang 20 kada tali
- Sibuyas - P100 kada kilo
- Bawang - P100 kada kilo
- Kamatis - P100 kada kilo
- Talong - P180 kada kilo
- Ampalaya - P180 kada kilo
- Kalabasa - P100 kada kilo
- Siling labuyo - P800 hanggang P900 kada kilo
Nasa P170 naman ang kada kilo ng manok.
Pagdating sa isda, naglalaro sa P180 hanggang P200 ang kada kilo ng galunggong, P100 hanggang P120 ang kada kilo ng tilapia, at P180 ang kada kilo ng bangus.
-- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Department of Agriculture, William Dar, market prices, gulay, traders, Commonwealth Market, bilihin, konsumer, TV Patrol, Jorge Carino