15 e-jeep nagsimulang pumasada sa Makati, Mandaluyong

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2019 09:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inilunsad nitong Biyernes ang 15 unit ng electric jeep (E-jeep) na may rutang Makati at Mandaluyong. 

Ito ay handog ng eSakay, na subsidiary ng Manila Electric Company (Meralco) at magkakaroon ito ng P9 hanggang P15 na pamasahe, depende sa bababaang lokasyon. 

Aabot ang ruta nito mula MRT Buendia station hanggang sa Mandaluyong City Hall. 

Dapat daraan ito sa Estrella-Pantaleon bridge ngunit dahil sa nakaambang pagsara nito sa Sabado ay binigyan ito ng ruta ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Jupiter Street sa Makati. 

Nasa 40 pasahero ang maaaring isakay ng naturang jeep kung saan 25 rito ang puwedeng maiupo at 15 naman ang maaaring tumayo. 

May libreng wifi, CCTV at GPS tracking device ang naturang sasakyan. 

May USB ports din ito para sa mga nais mag-charge ng kanilang system at automated fare collecting system para sa mga may beep card. 

Hindi rin umano ito maglalabas ng masasamang hangin na nagdudulot ng polusyon. 

Kabilang sa mga naunang nakinabang dito ang pasaherong si Aldrin Batalla, na nakatipid sa kaniyang sakay sa halip na sumakay ng traysikel mula Makati patawid ng Mandaluyong. 

"Instead na magta-tricycle ka dito mula sa baba ng tulay, mahal," aniya. 

Bagaman aminadong kakaunti pa lamang ang nakukumbinse nilang pumasada sa modernized na jeep, iginiit ni Transportation Undersecretary Mark De Leon na nasa P600 ang katipirang maidudulot nito kaysa sa mga ordinaryong jeep. 

"They can have savings like P600 a day as compared to a regular jeepney. Mas stable ang presyo ng electric as regard to diesel na fluctuating ang presyo," aniya. 

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.