PatrolPH

Diesel higit P1 ulit ang taas-presyo sa Enero 18

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2022 11:48 AM | Updated as of Jan 17 2022 08:06 PM

x

MAYNILA (UPDATE) — Magkakaroon ng "big time" na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo sa Martes, Enero 18, ayon sa abiso ng mga kompanya.

Ito na ang ikatlong sunod na linggong nagkaroon ng taas-presyo sa petrolyo at ikalawang linggong higit P1 ang itinaas ng kada litro ng diesel.

Narito ang mga price adjustment na ipatutupad ng mga oil firm:

Caltex (Alas-12:01 ng hatinggabi)
DIESEL +P1.80/L
GASOLINA +P0.90/L
KEROSENE +P2.30/L

Shell, Seaoil, Petron, Flying V (Alas-6 ng umaga)
DIESEL +P1.80/L
GASOLINA +P0.90/L
KEROSENE +P2.30/L

PetroGazz, Unioil, PTT Philippines, Phoenix Petroleum (Alas-6 ng umaga)
DIESEL +P1.80/L
GASOLINA +P0.90/L

Cleanfuel (Alas-4:01 ng hapon)
DIESEL +P1.80/L
GASOLINA +P0.90/L

Ayon kay Rodela Romero, assistant director ng Oil Industry Management Bureau, tumataas pa rin kasi ang demand ng petrolyo sa buong mundo kahit kumakalat ang omicron variant ng COVID-19 kaya hindi nakakaagapay ang produksiyon ng langis.

Humirit naman ang mga militanteng grupo sa Kamara na iprayoridad ng administrasyon ang pagpasa sa third reading ng panukalang pagsuspende sa excise tax.

Watch more News on iWantTFC

Sa loob kasi ng 3 sunod-sunod na oil price hike o mula Enero 1, P3.50 na ang iminahal ng kada litro ng gasolina habang P5.30 naman sa diesel at P5.05 sa kerosene.

"Nanawagan din tayo sa administrasyon ni Pangulong Duterte, lalong-lalo na sa kaniyang mga economic manager na huwag nang harangin ang pagpasa ng panukalang batas na ito para makatulong sa ating mga mamamayan na nahihirapan," sabi ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.

Kapag tinanggal ang buong excise tax sa petrolyo, P10 ang matatapyas sa presyo ng gasolina, P6 sa diesel at P5 sa kerosene.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.