(UPDATE) Tumaas na ang presyo ng ilang tinapay dahil sa pagmahal ng mga sangkap tulad ng asukal at itlog, sabi ngayong Lunes ng grupo ng mga panadero.
Sa panayam ng Teleradyo, sinabi ni Asosasyon ng Panaderong Pilipino President Chito Chavez na partikular na nagmahal ang presyo ng mga cake at pastries tulad ng ensaymada at mamon.
Umaabot sa hanggang P2 ang patong sa presyo ng cake at pastries.
Hindi naman aniya puwedeng bawasan ng mga panadero ang paggamit ng asukal at itlog dahil ito ang mga pangunahing sangkap sa mga produkto.
"Ang cakes and pastries po na ang pangunahing sangkap ay itlog at asukal, ito po ang talagang apektado," ani Chavez.
"Hindi po ito puwedeng bawasan dahil ang itlog ay softener, siya pong nagpapalambot at siya pong nagpapaalsa ng cake. Ang asukal po, 'pag sinamahan ng itlog 'yan po ay aalsa ang ating mga cake," paliwanag niya.
Sa isang bakery sa Kamuning, Quezon City, mabibili ang egg pie nang P48 mula sa dating P45.
Pero may ilang bakery naman na ipinagpaliban ang taas-presyo.
Ayon sa nagtitindang si Angelyn Esponilla, halos mangalahati na ang kita nila dahil sa mahal ng mga sangkap kaya binabawi muna nila ito sa bigat ng tinapay para hindi lumipat ang mga suki.
"Sa timbang kasi 'pag nilakihan namin, malulugi kami. Ibabagay lang namin sa presyo," ani Esponilla.
Sa ngayon, hindi pa naman umano apektado ang presyo ng pandesal pero posible ring sumipa ito kung tataas din ang presyo ng mga pangunahing sangkap.
Naglalaro na sa P8 hanggang P11 ang presyo ng itlog.
— May ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.