Gasolinahan sa Pasig City noong Oktubre 10, 2022. Mark Demayo, ABS-CBN News/File
(UPDATE) Magkakaroon ng dagdag sa presyo ng gasolina at diesel, at bawas sa presyo ng kerosene sa Martes, Enero 17.
Ayon sa abiso ng mga kompanya ng langis, narito ang halaga ng ipatutupad nilang price adjustment:
Caltex (Alas-12:01 ng hatinggabi)
GASOLINA +P0.95/L
DIESEL +P0.50/L
KEROSENE -P0.15/L
Shell, Seaoil, Petron (Alas-6 ng umaga)
GASOLINA +P0.95/L
DIESEL +P0.50/L
KEROSENE -P0.15/L
Petro Gazz, Jetti Petroleum, PTT Philippines (Alas-6 ng umaga)
GASOLINA +P0.95/L
DIESEL +P0.50/L
Cleanfuel (Alas-4:01 ng hapon)
GASOLINA +P0.95/L
DIESEL +P0.50/L
Simula Martes, maglalaro na sa P57 hanggang P82 ang presyo ng kada litro ng diesel at gasolina habang P72 hanggang P83 naman sa kerosene.
Isa sa mga dahilan ng taas-presyo ang pagsipa ng demand ng langis sa China dahil nagbubukas na ulit ang ekonomiya nito kahit marami pa rin ang kaso ng COVID-19.
Kung magtutuloy-tuloy ang pagtaas ng konsumo ng China sa langis, maaaring masundan ang dagdag-presyo sa petrolyo sa mga susunod na linggo.
Taas-presyo sa LPG
Nag-abiso rin ang mga manufactuer ng liquefied petroleum gas (LPG) na posibleng tumaas din ang presyo ng kanilang mga produkto sa Pebrero.
Bigla kasi anilang sumipa ang contract price ng LPG sa international market dahil din sa pagtaas ng demand sa China.
"There will be an increase in the coming months," ani Regasco President Arnel Ty.
Sa ngayon, nasa P2.50 kada kilo ang iminahal ng presyo ng LPG sa international market pero hindi pa ito pinal.
Nag-abiso rin umano ang mga supplier ng imported LPG na made-delay ang dating ng supply sa Pebrero pero hindi naman ito mauuwi sa shortage.
"Probably because of the demand nagkakaroon ng maraming loading sa kanilang facilities that causes delay," ani Ty.
Pupulungin ng Department of Energy ang industry players para matiyak na hindi magkakaproblema sa supply bunsod ng pagsipa ng demand sa China.
—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.