PatrolPH

Mga negosyante umaray sa 'oversupply' ng manok

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2019 08:51 AM | Updated as of Jan 16 2019 09:14 AM

Watch more on iWantTFC

MANILA - Inireklamo ng isang grupo ng mga negosyante ngayong Miyerkoles ang umano'y oversupply ng manok na ikinalulugi nila at hindi naman anila nagpapababa ng presyo. 
 
Puno ang mga cold storage facility dahil sa mga imported na baboy at manok na dumating sa bansa nitong nakaraang taon, ani Gregorio San Diego, chairman ng United Broiler Raisers Association. 

Dahil dito, napipilitan aniya ang mga miyembro ng kaniyang grupo na agad ibenta ang kanilang mga kinatay na manok, kahit pa sa mas mababang presyo. 

Mas lalaki aniya ang kanilang lugi kung ipagpapaliban ang pagkatay sa mga manok dahil sa gastos sa pakain. 

"Sana naman 'pag ganitong panahon na sobra-sobra [ang supply], suportahan ang local farmers... Marami na sa amin ang tumigil, hindi kaya e, lugi ka nang lugi," daing niya sa panayam ng DZMM. 

Dagdag ni San Diego, ipinagtataka ng kaniyang grupo kung bakit hindi bumababa ang presyo ng manok sa mga palengke kahit pa labis ang supply. 

Nitong Lunes, nasa P145 kada kilo aniya ang bentahan sa ilang palengke. 

Nasa P120 kada kilo lang aniya dapat ang bentahan dahil P67 lang ang farm gate price, na kapag pinatungan ng P50 ay sapat na para kumita ang lahat ng players. 

"Sana naman iyung mga Filipino consumers makinabang doon sa lugi namin, e hindi nakikinabang. Maliit na portion lang ng industriya ang nakikinabang sa aming kalugihan dahil hindi naipapasa sa consumer iyung mababang presyo," ani San Diego. 

Hiniling niya sa pamahalaan na ipatigil muna ang importasyon ng manok. 

Nangako na aniya si Agriculture Secretary Emmanuel Piِñol na resolbahin ang sitwasyon nang makipagpulong ito sa kanilang grupo kamakailan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.