Kuryente sa mga apektado ng Taal eruption sa Linggo pa inaasahang maibabalik

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2020 05:00 PM | Updated as of Jan 15 2020 08:47 PM

Watch more in iWantTFC

(UPDATE) Inaasahang sa Linggo pa maibabalik ang suplay ng kuryente sa mga kostumer ng Meralco na nawalan kasunod ng pag-alboroto ng bulkang Taal, sabi ngayong Miyerkoles ng opisyal ng power distribution company.

Kailangan pa kasing alisin ang abo sa mga insulator, na maaaring maging sanhi ng short circuit o pagsabog, ayon kay Allan Baltazar, head ng south distribution services sa Meralco.

Nagpatuloy rin ngayong Miyerkoles ang pagbomba ng tubig sa abo sa mga poste.

Nasa 14,000 poste ang isa-isang nililinis ng Meralco dahil kumapal na ang abo na kumulapol sa mga poste, na maaari umanong makasira sa linya ng kuryente.

Sakaling magkaroon ng malakas na pagsabog ang bulkang Taal, na pinangangambahan din ng mga taga-Phivolcs, lalala pa raw ang problema sa kuryente.

Puspusan din ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa paglilinis ng 4 na linyang apektado ng pagbuga ng abo ng bulkan.

May 124 na tore ng NGCP din ang isa-isang nililinis para muling gumana at madaluyan ng kuryente sa lalong madaling panahon.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.