Presyo ng diesel may higit P2 dagdag simula Martes

ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2019 02:03 PM | Updated as of Jan 14 2019 07:16 PM

Taas-presyo dahil sa import price, sasabayan ng taas-presyo dahil sa dagdag-buwis sa langis

(UPDATED) Nag-anunsiyo ang ilang kompanya ng langis na magkakaroon ng dagdag sa presyo ng kanilang mga produkto simula Martes, Enero 15.

Nasa P2.30 dagdag sa kada litro ng diesel at P1.40 dagdag sa kada litro ng gasolina ang ipatutupad ng Shell, PTT Philippines, Caltex, Eastern Petroleum, Petro Gazz, TOTAL, Jetti Pump, Unioil, SEAOIL, Flying V, Phoenix Petroleum, at Petron.

Magkakaroon din ang Shell, Petron, Caltex, SEAOIL, at Flying V ng P2 dagdag sa kada litro ng kerosene.

Watch more in iWant or TFC.tv

Epektibo ang mga bagong presyo ng Caltex at Eastern Petroleum sa hatinggabi habang alas-6 ng umaga naman magpapatupad ang Shell, PTT Philippines, Petro Gazz, TOTAL, Jetti Pump, Unioil, SEAOIL, Petron, Phoenix Petroleum, at Flying V.

Ayon sa Department of Energy (DOE), nagkaroon ng taas-presyo dahil sa pagsipa ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

"It's beyond our control," ani Energy Undersecretary Felix William Fuentebella.

"Ang sinasabi natin sa ating consumers ay you use your power of choice. You have to compare the prices, kung saan iyong mas mura doon tayo," sabi pa ni Fuentebella.

Ito ang ikalawang sunod na linggo nitong taon na nagkaroon ng taas-presyo sa petrolyo. Noong nakaraang linggo, nasa P0.70 ang taas-presyo sa kada litro ng diesel, P0.80 sa gasolina, at P0.40 sa kerosene.

SABAY SA EXCISE TAX

Kasabay ng taas-presyo dahil sa import price, ilang gasolinahan din ang magpapatupad ng taas-presyo dahil sa ikalawang bugso ng excise tax o iyong mas mataas na buwis sa langis.

Simula Martes hanggang unang linggo ng Pebrero ay inaasahang halos lahat ng gasolinahan ang magpapatupad ng taas-presyo dahil sa excise tax.

Halimbawa sa diesel, ang P2.30 na dagdag dahil sa import price ay papatungan pa ng P2.24 na excise tax kaya ang kabuuang dagdag ay P4.54 sa diesel.

Kung P1.40 naman ang taas-presyo sa gasolina dahil sa import price at P2.24 ang excise nito, P3.64 ang kabuuang taas-presyo ng gasolina. 

Pero ayon sa DOE, kung ikukumpara ang presyo ngayon, hindi raw ito nalalayo sa presyo noong Enero 2017 at Enero 2018. --Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.