Nangangamba ang ilang negosyante at manggagawa na itaas ulit sa Alert Level 4 ang National Capital Region (NCR) dahil sa dami ng mga bagong kaso ng COVID-19.
Kung 30 porsiyento lang ang kapasidad na pinapayagan sa kasalukuyang Alert Level 3 sa mga negosyo, tulad ng dine-in restaurant at barbershop, babagsak ito sa 10 porsiyento sa Alert Level 4.
"Maraming nangangamba maski kami. Sumusunod kami kung ano 'yong mga tinatawag na health protocol ng gobyerno," anang may-ari na karinderya na si Alfredo Merilo.
"Lagi naman kami naglilnis [ng barbershop]. Alcohol, lahat ng mga protocol na pinatutupad, sinusunod namin lahat," sabi naman ng barbero na si Mario Licmoan.
"Kung maga-Alert Level 4 na naman, sinabi ko, yari na naman tayo kasi siyempre, walang kita," dagdag ni Licmoan.
Hanggang Enero 15 na lang iiral ang Alert Level 3 sa NCR pero nauna nang sinabi ng Malacañang na hindi pa pasok ang rehiyon sa mga pamantayan para sa mas mahigpit na alert level.
Ayon din sa mga malalaking grupo ng mga negosyante ay hindi pa kailangan ang Alert Level 4.
Ayon sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), mismong ang mga kompanya ang nagdagdag ng sariling testing o nagpatigil muna ng trabaho para protektahan ang kanilang mga empleyado.
Naniniwala rin silang kahit mabilis kumalat ang omicron variant, mas madali itong magamot kaya mas madaling bababa ang mga kaso.
"For those [companies] who, maybe the urgency of production is not so pressing, they opt[ed] to stop for 3, 4 days. Some of them, it's like 1 week," ani PCCI President George Barcelon.
Ayon naman sa Management Association of the Philippines (MAP), base sa mismong patakaran ng gobyerno, hindi pa kailangang itaas ang alert level, lalo't hindi naman puno ang mga ospital.
Naniniwala rin ang MAP na dapat matuto ang Pilipinas na mabuhay kasama ang virus at hindi na dapat balikan pa ang mga solusyon tulad ng malawakang lockdown.
Nauna na ring sinabi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na hindi pa kailangan ang Alert Level 4 dahil nabawasan na ang mga taong nasa labas.
Sa ikatlong sunod na araw, nakapagtala noong Lunes ang bansa ng bagong record high na bagong COVID-19 cases matapos iulat ng Department of Health na may 33,169 bagong kaso, ang pinakamataas na daily figure mula nang mag-umpisa ang pandemya.
— Ulat ni Warren de Guzman, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.