PatrolPH

Gobyerno hinimok kumilos vs ASF bago pa kulangin ang pork supply

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2021 06:13 PM

Gobyerno hinimok kumilos vs ASF bago pa kulangin ang pork supply 1
Ibinebenta ang karneng baboy sa Angeles City Public Market sa Pampanga, October 29, 2019. Mark Demayo, ABS-CBN News

MAYNILA – Pinangangambahan nang magkulang ang suplay ng karneng baboy sa bansa, ayon sa isang grupo, dahil pa rin sa patuloy na pagkalat ng African swine fever (ASF).

Sabi sa TeleRadyo ni Wency Tancungco, presidente ng Pampanga Swine Producers Association, maraming hog raisers sa Central Luzon ang huminto na sa negosyo dahil sa epekto ng ASF.

Maging sa Mindanao aniya ay may mga ulat na rin na apektado ang alaga nilang baboy ng ASF. Maaalalang isa ang Mindanao sa pinagkukuhanan ng suplay ng baboy dahil labis ang hagupit ng ASF sa Luzon at Visayas.

Kaya apela ng grupo sa pamahalaan, gumawa na ng aksiyon
at tulungan silang masugpo ang ASF para hindi magkulang ang suplay ng karne sa bansa.

Magreresulta aniya ito sa mas mataas pang presyo sa merkado, babala niya.

Nauna nang sinabi ng grupo na mas masahol pa sa COVID-19 ang ASF dahil kahit ano aniyang spray o disinfectant ang kanilang gawin
ay tinatamaan pa rin ng naturang virus ang kanilang mga alagang baboy.

Sa ngayon, naglalaro na sa P400 ang kada kilo ng karneng baboy sa mga palengke.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.