'Biometrics,' isa sa tinitingnang sagot sa mga 'naglalahong' pera sa bangko

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2018 09:57 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinalalakas na ng mga bangko ang kanilang sistema para maprotektahan ang mga konsumer laban sa mga kawatang nanlilimas ng pera sa sari-saring paraan.

Ito'y sa gitna ng dumaraming bilang ng mga naiulat na nawawalan ng pera sa bank accounts dahil sa hindi awtorisadong mga transaksiyon.     

Kuwento ng ilan, libo-libong pera mula sa kanilang account ang naglalaho parang bula. Ang iba pang transaksiyon, nate-trace sa ibang bansa.

Tugon ng mga bangko

Sa advisory ng BDO, sinabi nitong napansin nila ang kakaibang pagtaas sa insidente ng fraud sa bansa partikular noong huling tatlong buwan ng taong 2017. 

Nangako naman ang bangko na ibabalik nila ang pera ng mga apektadong depositor na mapapatunayang biktima ng fraud pagkatapos ng masusing imbestigasyon. 

"We apologize for the inconvenience, but that's the only way we can determine something that is suspicious...When somebody complains, we have to investigate," ani Nestor Tan, presidente at CEO ng BDO.

Maging ang Bank of the Philippine Islands (BPI), pinag-iingat din ang mga kliyente dahil sa pekeng log-in sites para sa online banking service nito, na ginaya ang disenyo at font ng totoong website.

Hinihingi na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang detalye ng mga naiulat na unauthorized transactions para maimbestigahan.

Paliwanag ng BSP, siguruhin lang na hindi nagpabaya ang biktima, o hindi kasabwat ng mga kawatan, at itutuloy nila ang imbestigasyon para malaman ang ugat ng problema. 

Susuriin din anila kung may mga kailangan pang ayusin o higpitan sa mga umiiral na security controls ng bangko.

Pinag-aaralan na ng ilang bangko ang paggamit ng biometrics identification para sa mga transaksiyon.

Kabilang dito ang fingerprint reader, facial recognition, at iris scanner.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Lumapit sa NBI

Ayon naman sa National Bureau of Investigation (NBI), kakaunti lang ang biktimang nagpapaimbestiga at kakaunti lang din ang nakakasuhan at nakukulong dahil mas pinipili ng mga bangko na aregluhin na lang ang mga reklamo.

"Kung hindi ka satisfied on how the bank addresses the issue, pumunta sila dito. We can analyze the case," ani Vic Lorenzo, hepe ng Digital Forensic Laboratory ng NBI.

Samantala, sa Hunyo 30 na ang deadline na ibinigay ng BSP para mailipat sa EMV technology ang debit at credit card transactions.

Isa umano ito sa mga dahilan kaya sinasamantala ng fraudsters o manloloko ang mga nalalabing araw.

Ang EMV o "Europay, Mastercard and Visa" kasi ay isang global standard na pinaniniwalaang mas "secure" dahil ang mga cards nito ay mayroong computer chips na gumagamit ng teknolohiya para ma-authenticate ang "chip-card transactions."
    
Pero hindi raw ito nangangahulugang wala nang makakalusot na panloloko.

Tips kontra panloloko

Payo ng BSP at Bankers Association of the Philippines, gumawa lang ng financial transactions sa secured internet connections, at iwasan ang libreng wifi o shared networks.

Mahalagang i-check muna ang URL ng online banking service na dapat ay sa https:// nagsisimula. 

Kung may mali sa spelling o grammar ng mga email na natanggap, posibleng pain ito para maging biktima ng phishing.

Dagdag nila, mag-withdraw lang sa mga ATM na hindi tago at walang senyales ng tampering.

I-report din agad ang nawalang card at phone na may mobile banking app.

Itago rin ang record ng online transactions at busisiin ang buwanang bank statements para makita agad ang hindi awtorisadong transaksiyon.

--Ulat nina Vivienne Gulla at Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.