Paglikas sa mga Pinoy mula Middle East may epekto sa dollar remittances?

Warren de Guzman, ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2020 06:43 PM | Updated as of Jan 10 2020 08:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nagtrabaho nang 5 taon sa Saudi Arabia si Imelda Edisanatiga bilang isang kasambahay at yaya.
    
Kauuwi lang niya nitong Bagong Taon kasabay ng pagtatapos ng kaniyang kontrata.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, pumutok ang sagupaan ng Iran at Amerika, dahilan para mabalot ng tensiyon ang buong Middle East.

Pero kahit may banta ng karahasan sa rehiyon, naghahanda pa rin si Edisanatiga na muling bumalik alang-alang sa kaniyang 4 na anak.

"Para po magkaroon sila ng magandang kinabukasan. Hindi po kasi sapat 'yung kinikita ko dito, maliit po, kailangan namin makipagsapalaran," ani Edisanatiga, na kumikita ng 1,500 Saudi Riyals kada buwan o P20,000.

Pero ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), pinag-aaralan ng gobyerno kung dapat payagan pa ang deployment ng OFWs sa mga bansang malapit sa Iraq at Iran.

"Ang dahilan ng mandatory repatriation, ilayo sila sa kapahamakan so 'yun ang una naming gagawin," ani POEA administrator Bernard Olalia. 

Ang problema, libo-libong OFW ang nanganganib na mawalan ng trabaho kung magdesisyon ang gobyerno na palawakin ang repatriation.

Ang isa pang ikinababahala ay ang posibleng epekto ng paglikas sa remittances ng bansa.

Nobenta porsiyento kasi ng dollar remittances na ipinapadala sa Pilipinas mula Gitnang Silangan ay nanggagaling sa Saudi Arabia, United Arab Emirates, Kuwait, at Qatar.

Gayunman, ayon kay Olalia, handa rin silang tulungan ang mga repatriated na OFW sa pamamagitan ng dagdag-training at edukasyon o kaya'y job matching sa mga trabaho dito sa Pilipinas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.