Oras ng nararanasang water interruption umikli: Maynilad

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2020 03:16 PM | Updated as of Jan 09 2020 07:59 PM

Watch more in iWantTFC

(UPDATE) Umikli ang oras ng nararanasang water service interruption ng mga kostumer ng Maynilad matapos madagdagan ang laan na tubig mula Angat Dam, ayon sa opisyal ng water concessionaire.

Kung dati ay 12 oras nawawalan o nakararanas ng mahinang tubig ang mga Maynilad customer, ngayon ay hanggang 8 oras na lang ito, ayon kay Ronald Padua, pinuno ng water supply operations ng Manyilad.

Nasa kalahating milyon na lang ang nakararanas ng water interruption sa Maynilad mula sa dating 800,000.

"Nadagdagan po ang aming customers na nakararanas pa ng 24 hours na supply and at the same time, 'yong may rotational water interruption ay medyo umiksi po," ani Padua.

Ito ay matapos dagdagan ng National Water Resources Board ang water allocation o laan na tubig ng Maynilad at Manila Water galing Angat Dam.

Nasa 42 cubic meters per second (cms) na ang water allocation mula 40 cms.

Naglalaro naman sa 4 oras hanggang 10 oras ang water interruption na nararanasan ng mga kostumer ng Manila Water, ayon sa tagapagsalita ng concessionaire na si Dittie Galang.

Umaasa ang Maynilad at Manila Water na huwag nang mabawasan ang laan na tubig hanggang tag-init.

Pinayuhan ng mga opisyal ng mga water concessionaire ang publiko na patuloy na magtipid at mag-imbak ng tubig.

Inamin din ng Maynilad at Manila Water na kapag napako ang kasalukuyang water allocation, mag-iiba ang situwasyon lalo at papalapit ang tag-init dahil habang umiinit ang panahon, lalong lalakas ang konsumo sa tubig na limitado ang suplay.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.