Inalis na bawas sa buwis para sa mga anak, pinuna ng ilan

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2018 10:33 PM | Updated as of Jun 04 2019 01:06 PM

Watch more in iWantTFC

Mas bumaba naman ang income tax rate para sa lahat

Samu't sari ang reaksiyon ng publiko sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, partikular na ang probisyon nito ukol sa pagbubuwis sa kita o income tax.

Sa ilalim kasi ng reporma sa income tax, inalis na ang exemption, o ang halagang hindi bubuwisan mula sa kita, para sa kada anak na idedeklarang "dependent."

Dati kasi, nakakakuha ng dagdag na exemption na P25,000 para sa bawat dependent na anak o hanggang apat na anak.

Pero sa bagong batas, wala na silang exemption. 

Sa kabila ng pagtatanggal sa exemption, binabaan naman ang tax rate para sa lahat. 

Halimbawa, ang isang empleyadong kumikita ng P25,000 kada buwan at may apat na anak, kung dati'y nagbabayad ng P24,500 na buwis kada taon dahil nakakakuha ng mahigit P100,000 exemption, ngayon ay P10,000 na lang ang babayaran niya bunsod ng binabaang tax rate kahit wala na ang exemption para sa dependents.

Habang ang mga walang anak naman na kumikita rin ng P25,000 kada buwan at nagbabayad noon ng P49,500 na buwis, ngayon ay bubuwisan ng P10,000 na lang din.

Pero hindi sang-ayon ang grupong PRO-LIFE sa pagbabagong ito. 

Ayon kay Rita Dayrit, presidente ng PRO-LIFE, lalong nawawalan ng interes ang mga mag-asawa na magkaroon ng anak.

"That will already discourage young couples to have more children. As it is, ang mga kabataan ngayon takot nang mag-anak e, kasi mahal lahat," ani Dayrit. 

Pero ayon sa ekonomistang si Cielo Magno, dahil sa pagtanggal ng exemption, nagiging mas patas ang pagbubuwis lalo na sa may ibang dependent maliban sa anak, gaya ng magulang o kapatid, na dati nang walang exemption. 

Dagdag pa niya, dapat bumawi na lang ang gobyerno sa pamamagitan ng mga magagandang pampublikong programa gaya ng edukasyon at health services.

Saad ng pahayag ni Magno: "The removal of the deduction eliminated the bias in favor of individuals with kids as dependents. It means that two individuals with the same income but different types of dependents (children vs. elderly or siblings) will now be paying the same amount of tax...The government should continue to improve on the provision of social protection programs." 

Ayon naman sa Abrea Consulting Firm, hindi man perpekto, mas mabuti nang naging mas simple ang sistema ng pagbubuwis.

"Simplification din talaga na mag-benefit na lang lahat kaysa pipiliin pa natin kung sino ang magbe-benefit," ani Mon Abrea na isang eksperto sa buwis. 

Nagsimulang maging epektibo ang bagong tax law nitong Enero. 

-- Ulat nina Michelle Ong at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.