Meralco may bawas-singil sa kuryente sa Enero

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2020 12:45 PM | Updated as of Jan 08 2020 07:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) -- Nag-abiso ang Meralco na magkakaroon ng bawas-singil sa kuryente ngayong Enero. 

Nasa P0.41 kada kilowatthour (kWh) ang ibabawas ng Meralco sa January bill bunsod ng mas mababang singil ng kinontratang kuryente at outage allowance na karaniwang pumapatak sa ganitong buwan. 

Katumbas ito ng P82 na bawas para sa mga kabahayang may buwanang konsumo na 200 kWh, P123 sa 300 kWh, P147 sa 400 kWh, at P205 sa 500 kWh.

PRESYO NG PETROLYO SA WORLD MARKET PATULOY ANG PAGTAAS

Samantala, patuloy naman ang pagtaas ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado kasunod ng tensiyon sa pagitan ng Iran at Amerika.

Sa unang 2 araw ng trading, P0.60 na ang itinaas ng presyo ng kada litro ng gasolina, P0.20 naman sa kada litro ng diesel, at P0.31 sa kada litro ng kerosene.

Ayon sa Meralco, may epekto sa singil ng kuryente ang galaw ng presyo ng petrolyo pero aabutin pa ng 3 buwan bago ito maramdaman.

Sakaling magtuloy-tuloy ang taas-presyo ng petrolyo, mararamdaman ang epekto nito sa April billing ng Meralco.

Tumindi ang tensiyon sa pagitan ng Amerika at Iran kasunod ng pagpatay sa Iranian general na si Qasem Soleimani.

Nasawi si Soleimani nang bagsakan ng pasabog ang Baghdad International Airport sa Iraq noong nakaraang linggo — isang insidenteng inako ng Amerika.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.