Angkas nag-sorry, nagpaliwanag sa mga umano'y paglabag

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2020 05:40 PM | Updated as of Jan 08 2020 07:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) - Humingi ng paumanhin ngayong Miyerkoles ang pamunuan ng ride-hailing app na Angkas kasunod ng bantang ipapa-blacklist sila ng gobyerno sa mga naging paglabag sa pilot testing ng motorcycle taxis. 

"Ako po ay humhingi ng pamunahin sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa Department of Transportation sa nangyari po the past few weeks," ani Angkas Chief Transport Advocate George Royeca. 

Maaalalang nagbanta ang Technical Working Group (TWG) ng DoTr na ipapa-blacklist o ipapatanggal sila bilang ride-hailing app dahil sa ilang paglabag na nakita. 

Kasama na rito ang pagpataw ng surge, usaping pagmamay-ari ng foreign firm ang Angkas, at ang pagpapatakbo ng ride hailing app sa mga lugar na hindi itinakda ng guidelines. 

Paliwanag ni Royeca, ipinapataw nila ang surge price, o "dynamic pricing" kapag rush hour o sa mga lugar na walang ganoong biker. 

"Kapag mataas po ang demand at kaunti ang motorsiklo sa daan, ini-incentivise po ang algorithm at app para ma-motivate sila sa daan," ani Royeca. 

Aalisin na rin ng Angkas ang kanilang operasyon sa mga lugar na hindi saklaw ng ride hailing app. 

Pinabulaanan ng Angkas na pagmamay-ari sila ng mga dayuhan. 

Paliwanag pa niya, siya ay nagmamay-ari ng 60 porsiyentong shares ng Angkas, alinsunod sa 60-40 rule na nakasaad sa Saligang Batas. 

"I own 60 percent of the company, before back then 3 years ago. Wala pang regulations on this. This was taken during Senate and Congressional hearings, and we have taken necessary steps to correct this," ani Royeca.

Nilinaw din niyang tutol lang sila sa paglagay ng limitasyon sa bilang ng mga maaaring pumasadang motorcycle rider. 

"I would also like to clarify that we are not picking a fight with government regulators. I want to make it clear that the cap is the only thing we don’t agree with," ani Royeca. 

Maaalala ring nagkaroon ng sagutan sa pagitan ng DoTr at Angkas kaugnay ng nilagay na "cap" o limitasyon na magbabawas umano sa 27,000 riders ng ride hailing app. 

Tanggap daw ng TWG ang paumanhin ng Angkas. Pero anila, dapat muna nilang bawiin ang kasong inihain nila kontra sa ahensiya. 

"They should not be adverse. Work with us, remember ang ginagawa nila is illegal in the first place, wala pang batas, gagawa pa lang," ani TWG chairman Bert Suansing. 

Makikipagtulungan pa rin daw ang Angkas sa gobyerno para makapagbigay ng impormasyon na makatutulong sa paggawa ng panukalang magsasabatas sa mga motorcycle taxi. 

Sa ngayon, bukod sa Angkas, kasama ang JoyRide at MoveIt na papayagang magpasada ng mga motorcycle taxi. 

Magtatagal hanggang Marso 23 ang test run ng mga motorcycle ride hailing app. 

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.