DA, nababahala sa 'bagsak-presyo' ng manok

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2019 07:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ganadong mamimili ng manok sina Monette Santos at Juvy Jaravan sa Commonwealth Market sa Quezon City dahil bumaba na ang presyo nito. 

Nasa P95 hanggang P100 na lang ang presyo ng kada kilo ng manok sa ilang puwesto sa Commonwealth Market mula P130 hanggang P140. 

"Mas maraming mabibili iyong mga tao," ani Santos. 

Pero kung masaya ang mga mamimili, nababahala naman si Agriculture Secretary Emmanuel "Manny" Piñol dahil ang pagbagsak daw ng presyo ng manok ay senyales na may problema sa industriya ng poultry.

Bumagsak sa P38 kada kilo ang farm-gate price ng manok sa ilang probinsiya dahil dumami ng hanggang 15 milyon kilo ang suplay sa loob ng isang taon, ayon kay Piñol.

"Everybody now would like to get into the poultry business kasi may pera iyong bangko na pinapahiram eh," ani Piñol. 

Nalulugi na ang mga poultry producer dahil sa murang farm-gate price, ani Piñol. 

Kailangan umanong mag-stabilize o pumirmi ng farm-gate price dahil maaaring maging sunod na problema raw ang kakulangan sa suplay ng manok. 

"Some of the small players might get out of the business," ani Piñol.

"Kapag nalulugi si farmer, aayaw, at kapag umayaw si farmer, magkakaroon na naman ng shortage."

Sinabi ni Piñol na patuloy na babantayan ng kanilang ahensiya ang presyuhan ng manok sa mga palengke.

Base sa farm-gate price na P38 at P50 retail cost, dapat nasa P88 kada kilo lang ang suggested retail price (SRP) ng manok at hindi aabot sa P120, ani Piñol.

Nais din ni Piñol na ibalik ang parusa sa mga nag-o-overprice o nagtataas ng presyo nang sobra sa SRP. --Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.