Tanggal-buwis sa OT pay ng mga empleyado ipinapanukala sa Senado

ABS-CBN News

Posted at Jan 07 2020 07:37 PM

Watch more in iWantTFC

MANILA - Labing-pitong taon nang bahagi ng Office of the Senate staff si Ronel Manalo, na nagtatrabaho sa ilalim ng Sergeant at Arms. 

Ordinaryo man na araw o holiday, todo-kayod siya sa pangangasiwa sa mga seguridad ng Senador, empleyado, at bisita ng tanggapan. 

Para sa kaniya, malaking bagay din ang overtime pay, na katumbas ng 12 oras kada linggo. 

"Yung overtime na P2,500 na sa isang araw ay napakalaking bagay. Ito, pangdagdag sa allowance ng mga anak ko, at pambili ng pagkain," ani Manalo. 

Malaking bagay ang overtime niyang umaabot 12 oras kada linggo. Iyun nga lang, kinakaltas pa rito ang buwis. 

Ang mga manggagawa tulad ni Manalo ay kasama sa 26.7 milyong taga-gobyerno at pribadong sektor na saklaw ng Senate Bill 601 ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto. 

Layon ng panukala, na mag-a-amiyenda sa National Internal Revenue Code of 1997, na i-exempt o hindi na pagbayarin ng buwis pagdating sa overtime pay. 

Layon din ng batas na kilalanin ang mga naiambag ng mga manggagawa para sa bansa, ayon kay Recto. 

"An employee who renders overtime work puts in additional hours of work and requires greater physical and mental effort. Instead of being able to rest early and spend more time with the family, the employee is forced to extend the working hours to achieve the organization’s goals," anang Senador sa panukala. 

Sang-ayon ang Trade Union Congress of the Phillippines sa panukala lalo na para sa mga minimum wage workers. 

"Workers need this sort of measure during these times when the value of daily salary is eroded… For example, The buying power of NCR's P537 daily pay is P448 na lang as of December 2019, an erosion of P89 a day," ani Tanjusay. 

Para kay Committee Chairman on Labor Joel Villanuva, malaking tulong ito sa mga manggagawa. 

Maaari din daw bawiin sa pagpataw ng excise tax ang aalising buwis sa overtime pay, ayon kay Villanueva. 

"This will help increase the take home pay of our workers. It also provides incentives to work beyond mandatory hours especially if the situation calls for it. We have new excise taxes anyway to augment [the] government’s revenue," ani Villanueva. 

Sang-ayon din dito si Senate President Vicente "Tito" Sotto III. 

Pero para kay Sen. Richard Gordon, masusing pag-aaral pa ang kinakailangan para rito. 

"Im sure Ralph Recto knows what he is talking about. He doesn't open his mouth to create a gimmick. He is quite good, I respect him and I would have to listen to that and find out whether I can support that right away," ani Gordon. 

Sa ngayon, nakabinbin pa rin sa Senate Committee on Ways and Means ang SB 601. Pero inaasahang uusad ang panukala sa pagbabalik ng sesyon sa Kongreso ngayong Enero. -- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.