'Presyo ng bilihin tataas kapag gulo sa Middle East sumiklab'

ABS-CBN News

Posted at Jan 07 2020 07:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Posibleng tumaas ang presyo ng mga bilihin sa bansa sakaling magtuloy-tuloy ang pagmahal ng petrolyo bunsod ng tensiyon sa pagitan ng Amerika at Iran, ayon sa isang grupo ng mga supermarket owner.

"It's speculative but depende how fast things develop. If tuloy ang retaliation, immediate 'yon, sigurado, sisipa kaagad [ang presyo]," ani Philippine Amalgamated Supermarkets Association President Steven Cua.

Sa unang araw ng trading sa world market kasunod ng bantang resbak ng Iran sa Amerika, sumipa agad ang presyo ng imported na petrolyo.

Nasa P1.04 ang itinaas ng presyo ng kada litro ng gasolina habang P0.69 naman sa kada litro ng diesel.

Pero may 4 na trading days pa na maaaring magpanipis o magpalobo sa presyo.

Noong Biyernes, nagbagsak ng pasabog sa may Baghdad International Airport at kabilang sa mga napatay ang Iranian general na si Qasem Soleimani.

Dahil sa pagpatay kay Soleimani, tumindi ang tensiyon sa pagitan ng Amerika, na umako sa pagsabog, at Iran. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.