Ilan pang kompanya nag-abiso ng 'dagdag-bawas' sa presyo ng langis

ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2020 02:57 PM | Updated as of Jan 06 2020 07:11 PM

Watch more in iWantTFC

(UPDATE) Ilang kompanya ng langis ang nag-anunsiyo ngayong Lunes na magpapatupad sila ng pagtaas sa presyo ng diesel at bawas sa presyo ng gasolina simula Martes, Enero 7. 

Ayon sa Phoenix Petroleum, Eastern Petroleum, Seaoil, PTT Philippines, at Petron, tataas ang presyo ng diesel ng P0.40 kada litro habang bababa naman ang presyo ng gasolina ng P0.10 kada litro.

Tataasan din ng Seaoil at Petron ng P0.30 ang presyo ng kada litro ng kanilang kerosene.

Sa Miyerkoles, Enero 8, naman magpapatupad ang Cleanfuel ng P0.40 taas-presyo sa kada litro ng diesel at P0.10 bawas-presyo sa kada litro ng gasolina.

Unang naglabas ng presyo ang Shell at Petro Gazz noong Linggo ukol sa taas-presyo sa diesel at bawas-presyo sa gasolina.

DI PA APEKTADO NG EXCISE TAX

Hindi pa apektado ng excise tax o dagdag-buwis sa langis ang mga nabanggit na price adjustment. 

Wala pang oil company ang nagpapatupad ng dagdag-buwis, ayon sa datos ng Department of Energy (DOE).

Sa Enero 8 ang deadline ng pagsusumite ng imbentaryo ng mga kompanya ng langis at kailangang magpasabi muna sa DOE bago ipatupad ang dagdag-buwis.

"Dapat maghanda na sila ng kanilang notification kung kailan sila mag-implement na nakapaskil sa kanilang mga tindahan," ani Energy Undersecretary Felix William "Wimpy" Fuentebella.

Ayon sa mga source sa Shell at Petron, aabot pa hanggang kalagitnaan ng Pebrero ang lumang stock kaya hindi pa nila kailangang magtaas ng presyo dahil sa excise tax.

EPEKTO NG TENSIYON SA MIDDLE EAST PINAGHAHANDAAN

Pinaghahandaan na rin ng DOE ang mga hakbang sakaling lumala ang situwasyon sa Middle East, na posibleng maging dahilan ng paglobo ng presyo ng langis o makaapekto sa suplay.

Noong Biyernes, nagbagsak ng pasabog sa may Baghdad International Airport at kabilang sa mga napatay ang Iranian general na si Qasem Soleimani.

Dahil sa pagpatay kay Soleimani, tumindi ang tensiyon sa pagitan ng Amerika, na umako sa pagsabog, at Iran.

Walang direktang inaangkat na langis ang Pilipinas sa Iran pero 73.9 porsiyento ng suplay ng bansa ay galing sa Middle East na dumadaan sa dagat na sakop ng Iran.

"Any vessel that would enter doon para kumuha ng petroleum sa Middle East, dadaan sa Strait of Hormuz, 'yon ang sinasabi ng Iran na kaya niyang sarhan," ani Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.