Pinaalalahanan ang mga negosyante sa Quezon City na bukas na rin ang Business Permit and Licensing Office ng lungsod maging sa Sabado at Linggo.
Ayon kay Garry Domingo, hepe ng opisina, alas-8 hanggang alas-5 ng hapon tuwing weekend ay tatanggap sila ng mga aplikasyon.
Tuwing Lunes hanggang Biyernes naman ay alas-8 ng umaga hanggang 6:30 ng gabi bukas ang kanilang opisina.
Hiwa-hiwalay na rin sa limang linya ang mga magpaparehistro ng business permit, depende sa kwalipikasyon.
May espesyal na linya rin at kahera para sa mga senior citizen at persons with disability.
Pakiusap ni Domingo, huwag nang hintayin pa ang araw ng deadline.
"Pinipilit po naming mas efficient ang ating proseso at pila, at ating step by step na dapat sundin. Pero mas mabuti na po na ngayon niyo na po asikasuhan habang kakaunti pa," ani Domingo.
Dagdag niya, ang QC ang may "pinakamaraming" negosyante sa buong bansa.
Para sa mga magpapa-renew ng business permit, ihanda lamang ang barangay clearance, business permit noong 2017, resibo sa pagbabayad, zoning clearance, at fire certificate.
Sa Enero 20 ang itinakdang deadline para sa renewal ng business permit at ang mahuhuli ay papatawan ng 25% na multa at karagdagang 2% kada buwan.
--Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, DZMM, Quezon City, business permit, QC, negosyo, balita