Posibleng bawasan ng National Water Resources Board (NWRB) simula Enero 16 ang alokasyong tubig para sa Manila Water at Maynilad, sabi ngayong Miyerkoles ng executive director nitong si Sevillo David.
Ito'y dahil sa inaasahang pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam na maaaring magdulot ng kakapusan sa supply at water service interruptions.
Ayon kay David, posibleng bawasan nang 2 cubic meter per second ang alokasyon para sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System, na nagbabahagi ng tubig sa water concessionaires na Manila Water at Maynilad.
Pinag-aaralan din ng NWRB na tanggalin o bawasan ang alokasyon sa mga irigasyon at hydroelectric power plant.
Sa ngayon, nasa 202 meters pa ang lebel ng tubig sa Angat Dam pero tinatayang bababa ito sa minimum operating level na 180 meters sa Abril.
Ayon sa Manila Water, tatantiyahin pa nila kung kailangang magsagawa ng water service interruption kapag tuluyan nang mabawasan ang alokasyon.
Pero tiniyak ng Manila Water na hindi na mauulit ang malawakang water shortage na naranasan ng libo-libo nilang kostumer noong 2019.
May ilan na ring solusyon ang Manila Water para masigurong may sapat na tubig kagaya ng water treatment plant at dagdag na supply galing La Mesa Dam.
"'Yong ganoong severity noong naging shortage noong 2019, atin na pong masisiguro na di na po aabot sa ganoon sitwasyon," ani Manila Water corporate communications head Dittie Galang.
May water treatment plants din umano ang Maynilad at kukuha ng dagdag na supply sa mga ilog sa Cavite.
Pero maaari pa rin umano silang magpatupad ng rotational water service interruption.
"Ang normally naaapektuhan sa mga ganitong sitwasyon ay sa mga matataas na lugar sa aming network at 'yung mas malalayo sa aming treatment and station facilities," sabi ni Maynilad water supply operations head Ronaldo Padua.
"At any given customer meron silang water supply window para makapag-ipon sila ng tubig nila for the day's consumption," aniya.
Nanawagan ang mga water concessionaire sa publiko na bukod sa pagtitipid ng tubig ay huwag mag-panic sa pag-iimbak dahil sa ngayo'y under control naman ang supply nito.
— Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.