PatrolPH

Taas-presyo nakaamba sa ilang pangunahing bilihin

ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2021 05:13 PM | Updated as of Jan 05 2021 07:28 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Inaprubahan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang taas-presyo sa ilang pangunahing bilihin, sabi ngayong Martes ni Undersecretary Ruth Castelo.

Ayon kay Castelo, kabilang dito ang ilang brands ng sardinas, canned meat, condiments, coffee, milk products, at detergents.

Hanggang 9 porsiyento umano ang pinayagang taas-presyo sa mga naturang produkto.

Pero nagpaalala rin si Castelo na hindi puwedeng magtaas-presyo hangga't walang inilalabas na bagong suggested retail price ang gobyerno.

Ayon kay Castelo, susubukan ng DTI na utay-utayin ang mga susunod na taas-presyo para hindi gaano masapul ang mga konsumer.

Puwede na rin umanong bumalik sa dating presyo ang mga produktong pang-Noche Buena dahil hanggang katapusan lang ng Disyembre ang pangako nilang ibababa ang presyo para sa Pasko.

Aminado rin ang DTI na may iba pang manufacturers na humihirit ng taas-presyo pero dadaan muna ito sa masusing pag-aaral.

Pero para kay Steven Cua, pangulo ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association, hindi pa ngayon ang panahon para magkaroon ng taas-presyo sa mga produkto, lalo't kaunti pa rin ang mga namimili.

Kahit noong holiday, mas kaunti ang mga namimili sa supermarket dahil nagtitipid ang mga Pilipino o wala rin gaanong pambili bunsod ng epekto ng pandemya sa ekonomiya, ayon kay Cua.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

 RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.