LGU office tumutulong sa mga aplikante na makahanap ng trabaho

ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2020 02:17 PM | Updated as of Jan 05 2020 06:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Sa pagpasok ng bagong taon, paghahanap agad ng trabaho ang inasikaso ni Leonil Hemperona.

"Ang gusto ko sana 'yong sahod ko medyo mas mataas-taas na. Kasi sa ngayon, marami pang babayaran, papadala sa province," ani Hemperona, isang 28 anyos na electrical engineer, sa panayam ng ABS-CBN News.

Minabuti ni Hemperona, sa payo na rin ng kaibigan, na mag-apply ng trabaho sa tanggapan ng Public Employment Service Office (PESO).

Tumutulong ang PESO sa mga jobseeker na makahanap ng akmang trabaho.

Matatagpuan ang mga PESO sa mga opisina ng local government unit.

Hindi gaya ng pribadong employment agency, walang sinisingil na service charge sa mga aplikante ang PESO.

"'Pag nakita nila na nag-match ang qualifications or skills ng aplikante at saka noong [kompanyang] naghahanap ng tao, saka sila bibigyan ng referral letter para 'yon ang dadalhin ng job applicant doon mismo sa kompanya," ani Bureau of Local Employment director Dominique Rubia-Tutay.

Nagbibigay rin ang PESO ng tips para sa job interview at paggawa ng resume.

May payo naman si Philip Gioca, country manager ng Jobstreet sa Pilipinas, sa mga naghahanap ng trabaho ngayong first quarter ng taon, kung kailan pinakamarami ang sabay-sabay na naghahanap at nagpapalit ng trabaho.

"Kailangan fit ka talaga doon sa job, qualified ka talaga," aniya.

"Kung bibitiw ka sa trabaho nang wala, mahirap maghanap kasi very competitive at this time of the year," dagdag niya. 

Kabilang sa mga in-demand na trabaho ngayong unang quarter ng 2020 ay mula pa sa job openings noong huling quarter ng 2019, kabilang ang call center agent, domestic helper, at teacher, ayon sa Philjobnet at Jobstreet. -- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.