Gobyerno mas gamay na ang pagkontrol sa ASF cases: grupo

ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2020 05:45 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Nababahala na ang ilang nagtitinda ng karneng baboy na baka malugi na naman sila dahil sa bagong kaso ng African swine fever (ASF) sa Kamaynilaan. 

Isa sa mga nangangamba ang tinderang si Lourdes Butatana, na may puwesto sa Kamuning Public Market.

Ani Butatana, nagsimula ito nang maulat na mayroong sample ng processed meat sa isang supermarket sa Quezon City na positibo sa ASF.

"Maaapektuhan kami lahat dito. Nung nakaraan, nung sinabi nilang ganyan 'yung baboy, wala talagang namimili," aniya.

Ilang buwan naghinagpis ang pork vendors at hog raisers dahil sa hagupit ng ASF pero nitong Disyembre ay unti-unti na silang nakakabawi. 

Normal na rin ang presyuhan ng baboy sa mga palengke na nasa P170 hanggang P180 kada kilo.

Ito ang dahilan kaya ninenerbiyos ang mga maliliit na tindera ng karneng baboy.

Gayunpaman, tiwala ang grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na hindi mapadadapa ng bagong kaso ng ASF ang gumagandang bentahan sa baboy.

"Nakita namin nag-normalize 'yung bilihan ng consumer dahil very strict ang government, kagaya niyan, 'pag may nakita, suspended. Ibig sabihin, talagang mino-monitor 'yung mga outlet kung ito ay ASF-free," paniguro ni SINAG chair Rosendo So.

Patuloy pang iniimbestigahan ng Department of Agriculture kung paano nakalusot sa pamilihan ang produktong may ASF. Pansamantala namang nagsara ang manufacturer ng kontaminadong produkto.

—Ulat ni Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.