ALAMIN: Taas-presyo sa langis, kailan dapat at magkano

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 06:45 PM | Updated as of Jan 04 2018 12:04 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nilinaw ng Department of Energy (DOE) kung kailan dapat ipatupad ang excise tax sa petrolyo na kaakibat ng isinabatas na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Ayon sa DOE, kailangang ubusin muna ng mga fuel retailer ang lahat ng stock na nakuha noong 2017. 

Dapat pa lang patawan ng excise tax sa ilalim ng TRAIN ang petrolyong kukuhanin ngayong 2018 ng oil companies.

Sa pagtataya ng DOE, dapat mayroon pang 15 araw na supply ng gasolina, diesel, at kerosene ang oil companies mula sa 2017.
 
Ibig sabihin, Enero 16 pa dapat magkaroon ng taas-presyo ang mga produktong petrolyon bunsod ng TRAIN

Dagdag pa ng DOE, sa Enero 8 pa dapat maubos ang 2017 supply ng liquefied petroleum gas (LPG) ng mga fuel retailer, kaya dapat sa petsang iyon pa rin tumaas ang presyo ng LPG dahil sa dagdag na buwis.

Sa Pebrero pa rin dapat maramdaman ang galaw sa singil ng kuryente dahil sa susunod pa ring buwan inaasahang mauubos ang 2017 supply ng coal.

Kabilang ang coal sa pinatawan ng buwis sa ilalim ng TRAIN law.

BANTAY-PRESYO

Nakipagpulong na ang DOE sa oil companies para tiyakin ang kanilang kooperasyon.

Ayon sa DOE nagsumite na ang mga kompanya ng imbentaryo at nangakong maglalabas ng abiso sa publiko o public notice sa mga bentahan bago sila mangolekta ng excise tax.

Inilabas naman ng DOE ang price matrix na magsisilbing gabay sa publiko para sa inaasahang epekto ng TRAIN sa presyo ng langis:

  • DIESEL      P2.80/LITRO
  • GASOLINA     P2.97/LITRO
  • KEROSENE     P3.36/LITRO
  • LPG         P1.12/KILO

Hinikayat din ng DOE ang publiko na agad i-report ang mga magmamalabis sa presyuhan ng produktong petrolyo:

DOE 'help line':
02-479-29-00 local 329

DOE e-mail:
[email protected]

DOE social media:
www.facebook.com/doe.gov.ph
twitter.Com/doe_ph

Nanawagan naman ang grupong Laban Konsyumer na magtalaga si Pangulong Rodrigo Duterte ng isang "price czar" na magbabantay sa epekto ng TRAIN sa mga bilihin.

Bukas dito ang DOE, pero ayon sa MalacaƱang, nariyan na ang Department of Trade and Industry para magbantay sa presyo ng mga bilihin.

Balak naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na dalhin ang laban kontra TRAIN sa Supreme Court. 

Watch more in iWantv or TFC.tv

PETISYON SA TAAS-PASAHE

Plano ng transport network company na Grab Philippines na maghain ng petisyon para itaas ng 6 - 10 percent ang pasahe para makahabol rin ang mga transport network vehicle service driver nila sa kita.

Ibig sabihin, sa pasaheng P150 - P170, may dagdag nang P10 - P15, hindi pa riyan kasama ang surge rates.

Bukod sa langis, inaasahan din ng transport groups na tataas ang presyo ng spare parts at pati ang presyo ng bagong sasakyan.

Kaya naman humirit na rin ang grupo ng mga taxi driver ng P50 base fare, mula sa kasalukuyang P40.

Gayunman, kailangan pa rin muna itong dumaan sa proseso ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ayon din kay LTFRB spokesperson Atty. Aileen Lizada, kailangang may sapat na dahilan ang transport groups para sa taas-pasahe at kung may kaakibat din ba itong dagdag-serbisyo mula sa kanilang hanay.

Dapat ding magbigay ng panig sa petisyon ang commuter groups.

Sakali namang matuloy ang taas-pasahe at ang dagdag sa presyo ng mga bilihin, hihirit din ang Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) ng umento sa sahod.

Ayon sa tagapagsalita ng ALU-TUCP na si Alan Tanjusay, kailangan din naman ng dagdag-suweldo para makasabay ang mga manggagawa sa pagtaas ng gastusin.

Pero ayon naman sa Bureau of Internal Revenue, tataas din naman ang take-home pay ng mga manggagawang sumasahod ng higit sa minimum wage dahil na rin sa bagong income tax rates sa ilalim ng TRAIN.

-- Ulat nina Warren De Guzman at Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.