KILALANIN: 2 motorcycle-taxi operators na humahamon sa Angkas

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2020 06:00 PM | Updated as of Jan 02 2020 07:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Motorcycle taxi biker sa umaga, security guard sa gabi. Ito si Elvin Soterio, na 4 na araw nang nag-o-operate sa ilalim ng ride-hailing app na JoyRide.

"Sinubukan ko dati makapasok sa Angkas na app, [pero] di ako nakapasok. Kaya tinry ko dito sa JoyRide," sabi ni Soterio.

Gustuhin man niya, hindi na puwede sumali sa ibang app si Soterio alinsunod sa utos ng technical working group ng Department of Transportation (DOTr).

Sa ganitong siste, mas mapag-aaralan daw nang maigi kung ligtas ba ang mga motorsiklo para sa mga pasahero kapag isang app lang kada biker.

Batay sa datos ng DOTr, pumapangalawa ang JoyRide sa dami ng mga biker na nakapagrehistro na sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hanggang nitong Huwebes, Enero 2.

Rehistradong bikers:

  • • Angkas → 7,471
  • • JoyRide → 6,907
  • • Move It → 1,877

JoyRide nagpakilala

Sa unang pagpapakilala ng JoyRide, itinanggi nila agad ang mga agam-agam na may kapit sila sa gobyerno.

"Hindi namin kasama dito si Sen. Bong Go or Sen. Manny Pacquiao," ani Noli Eala, vice president ng JoyRide. 

Hindi rin daw gumamit ng impluwensya si PDP-Laban party list-Quezon City secretary general Edwin Rodriguez, na siyang business development adviser ng JoyRide.

Hindi rin daw magkamag-anak si Sherwin Yu ng JoyRide at ang asawa ni Sen. Koko Pimentel.
    
Pero hindi itinanggi ng JoyRide na sumulat si Pimentel sa DOTr ukol sa operasyon ng baguhang app.

"Pimentel is a family friend of the owners. He made this recommendation in his own volition. In fact it was forwarding the letter and it is not an endorsement," ani Eala.
 
Bukas daw ang JoyRide at Move It sa mga rider na nais mag-apply sa kanila.

Galing man sa Angkas o hindi, kailangan pa rin daw dumaan sa pagsasanay ng kompanya nila.

    
—Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.