PatrolPH

Bagong dating na NFA rice sa ilang pamilihan, pinilahan

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2019 08:12 PM

Watch more on iWantTFC

Dumating na nitong Miyerkoles sa ilang pamilihan sa Metro Manila ang sako-sakong bigas na inangkat ng National Food Authority (NFA) mula Thailand, na agad pinilahan ng mga mamimili.

Sampu hanggang 30 sako ng NFA rice ang natanggap ng mga nagtitinda sa Commonwealth Market sa Quezon City.

Isa sa mga nakatanggap si Teresita Terrado na huli umanong nakapagbenta ng murang bigas bago mag-Pasko.

"Sabi sa 'min ng opisina, maraming bigas kaya lang nasa pier pa. Inabot ng holiday kaya hindi naayos 'yong mga papeles," ani Terrado.

Agad pumila ang mga mamimili para makabili ng NFA rice, gaya ni Elena Reguna na nagtiyaga sa pinakamurang commercial rice na P37 kada kilo habang walang NFA rice noong mga nagdaang linggo.

Para madaming mamimili ang mapagbigyan, nilimitahan ng ilang nagtitinda ang dami ng NFA rice na ipagbebenta.

Ginawa lang 3 kilo, halimbawa, ni Terrado ang maximum na ibinebentang NFA rice mula sa itinakda ng NFA na 5 kilo kada mamimili.

PRESYO NG GULAY

Samantala, wala namang paggalaw sa presyo ng mga gulay sa Commonwealth Market maliban sa carrots na doble ang iminahal.
 
Mula P80 kada kilo, nasa P160 na ang presyo ng kada kilo ng carrots.

Sa Muñoz Market sa Quezon City, idinaing naman ng mga nagtitinda ang pagmahal ng bili nila sa ilang gulay gaya ng kangkong, petsay, at sitaw.

Sa halip na itaas ang presyo, binawasan na lang ng mga taga-Muñoz Market ang laman ng P10 kada tali ng mga nabanggit na gulay.

Mula P10, naging P20 naman ang kada tumpok ng carrots sa Muñoz Market.

Dumating na rin nitong umaga ng Miyerkoles ang sako-sakong NFA rice sa Muñoz Market. 

--Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.