OPINYON: Kuro-kuro sa mga piling pangyayari

Buddy Gomez -- Cyberbuddy

Posted at Nov 02 2018 12:38 AM

Undas, noon. Halloween ngayon!

Ang dati-rating undas ay naging Halloween! Noong aking kabataan, “todos los santos” at “dia de los muertos” (araw ng mga santo at kaluluwa ng yumao) ang tawag sa nakabihasnang lumipas. Na-ngangaluluwa, wika nga.
   
Ngayon, ang umiiral ay karagdagang impluwensya ng mga ‘Markano.’ Naging malaking kapistahan para sa mga  bata ang pag gunita sa “Halloween.” Ito ay hango sa America. Wala naman akong naranasang “Trick or Treat” noong aking kabataan. Ngayon, may padamihan pa ng nakalap na kendi sa mga bahay-bahay! At may paligsahan pa at pagandahan ng mga kasuutan. Ang mga bahay bahay, lalo na sa mga subdivision, at sa mga opisina man din, ay nagkakaroon nga mga adornong akma sa pista ng patay at kaluluwa. Kahit pa nga ang mga alagang aso ay binibihisan!

Ano kaya naman ang masasabi o dinaramdam na ating mga kapatid na matindi pa rin ang galit sa Amerika at sa mga Amerikano?  Alam po naman natin na ang saksakan at sobra-sobrang nasyonalismo ng ating mga nalalabing kababayan ay ang kanilang poot sa lahat ng bagay-bagay na may tatak USA!

Ang pawang katotohanan ay mas matindi pa nga ngayon ang impluwensyang ‘Kano’ kaysa noon bago pa lang tayo nagkamit ng kasarinlan.

‘Bumida’ sa kabuwanan ng Filipino-American History!

Kung kalian pa naman ginugunita sa America ang “Filipino American History Month”  (ito ay tuwing Oktubre, bilang resolusyon ng US Senate at House) mayroon isang lalakeng Fil-Am, na nakasirang puri sa magandang pangalan ng mga Pinoy at Pinay sa America! Tiyak na nagpapa-pansin sa napaka mali at malagim na eksena!

Isang mestizo Americanong nag-ngangalang Cesar Sayoc ang nag tangkang magpasabog ng bomba sa mga kilalang politico katulad  ni Obama, ang mag-asawang Clinton at iba pang  mga katunggali at mga kritiko ni Donald Trump. Si Sayoc ay isang alagad  at sunod -sunoran, taga hanga ng Pangulong ‘Kano! Siya ay maituturing natin na katumbas ng mga DDS. (Die-hard Duterte Squad!)

Nahuli na kay Sayoc nagmula ang mga tubo ng bomba (home-made pipe bomb) na kanyang pinag-papadala sa mga naturang kilalang panauhin sa pamamagitan ng koreo. Agad-agad namang isinumbong sa autoridad ang mga magkakasabay na pangyayari. Maswerte  na lang at marahil dala na rin ng katangahan ni Sayoc, wala namang pumutok o sumabog! Ganoon pa man, limang claseng caso ang isinampa laban sa kanya. Siya ay nasa piitan ngayon.

Napag-alaman ng mga autoridad na itong si Sayoc ay para bagang patapon ang buhay at talunan sa lipunan. Wala namang permanenteng hanap buhay at wala ring bahay. Pinalayas ng ina!  Bagamundo! Nag-‘bouncer’ sa night club. Siya ay dating barbelista  na gumagamit ng ipinagbabawal na ‘steroids.’  Kung kaya naman  na-sobrahan at seguro na apektohan ang katino-an! At naging sex dancer pa siya, yaon bang naghuhubad, nag-buburles at “strip tease” sa harap ng mga parokyanong babae sa loob ng adult bar at night club!  

Limang taon  pa lang si Cesar nang siya ay iniwan  ng kanyang amang Filipino. Diniborsyo  nito ang kanyang asawang Italian-American. Itong kinalabasan ng patapon na buhay ni  Sayoc ay isang halimbawa na nagpapahiwatig  ng kahalagahan ng isang ama na dapat laging na sa bahay at sa buhay ng naglalakihang mga anak. Ang batang walang gabay, karaniwa’y naliligaw sa landas ng matinong pamumuhay.  Katulad ni Cesar Sayoc.

Karahasan sa Pittsburgh

Habang sinisiyasat si Cesar Sayoc ng mga kapulisan, muli namang nangibabaw ang krimen na dala ng kamuhian sa hindi ka-balat o hindi-karelihiyon!  Ito ang tinatawag na “hate crime.”  Sa Pittsburgh, sa loob ng isang sinagoga ng mga Hudyo, habang ang mga senior citizen ay sumasamba noong nakaraang Sabado, may isang puting Amerikano na namaril gamit ang ripleng automatic at pistola. Labing isa ang nasawi at ilan pa ang sugatan. Matapos makipagpalitan ng putokan, nadakip ang sugatang salarin.
  
Matindi ang galit nitong si Robert Bowers at wika pa nito dapat mabura sa buong mundo ang mga Hudyo!

Ang sagot naman ng mga nakatatandang mga Hudyo, pagmamahalan, at hindi karahasan, ang dapat iharap sa mga suliranin ng mundo.  At may isang pangkat naman ng mga Muslim sa Pennsylvania na taus-pusong  nakiramay sa mga namatayan. Sila ay nag-ambag-ambag pa ng abuloy!   

Bagama’t paminsan, minsan lumalaganap ang kasamaan at krimen, mayroon pa ring  pag-asa  na sa Mundong ito, iiral at iiral ang likas na kagandahang loob ng sangkataohan!

Pagmamahalan ang sagot sa karahasan!  Puwede kaya?

Heto na po ang Tren

Lumitaw na katotohanan.  Mukhang sinasadya ang pagkaka-unsyami ng pag-gamit ng mga pampaseherong bagon ng Metro Rail Transit (MRT 3). Ating matatandaan na bago pa man matapos ang panunungkulan ni Presidente Noynoy Aquino, ang dating administrasyon ay nag-angkat ng 16 na saksakyang pang tren. Ito ay mula sa Tsina, kompanya ng Dalian ang pabrika na bumuo ng mga ito. At ito ay isinangkot sa pamumulitika at pa-pogi, kasabay ang paninira ng bagong administrasyon.

Noong pumasok ang administrasyong Duterte, ang mga humalili sa pagpapatakbo ng Department of Transportation (DoTr), kung saan napapa-ilalim ang MRT, pinaratangan ang nakalipas na administrasyon na mali daw at hindi akma ang sukat sa riles ng mga bagon at pati na raw ang timbang ng sumasakay ay mali at mapanganib! Mayroon pang kasabay na paratang na may katiwalian at pangungurakot ang transaksyon ng pag-angkat, kung kaya hindi nila mapapayagang gamitin ang mga tren habang hindi natatapos ang pag-sisiyasat at pag-‘testing’ ng kakayahan ng mga bagon.

Habang ang usaping ito ay nakabinbin, ang kawawang mga pasahero ay nagtitiis sa kakulangan ng mga sasakyang pang riles. Kung kaya naman napaka haba ng pumipila para sumakay. Bagamat may mga dalubhasang Ingles ang nagpatunay na walang problema ang mga tren, pati naman si Senadora Grace Poe ay umangkas pa at nakisawsaw sa mga parinig at patutsadang laban kay Pangulong Noynoy Aquino. Wika nga--upang maka-‘iskor’ ng pampolitikang puntos.

Sa itinagal-tagal, makalipas ang mahigit sa dalawang taon, napilitan din ang DoTr na subukang gamitin ang naturang tren sapagkat hindi na maiwasan ang kahilingan ng  maraming nakaka-intindi. Ano ang kinalabasan? Iyon naman pala ay maayos at walang pagkukulang ang administrasyong Noynoy Aquino. Wasto ang lahat!  Tama sa sukat at timbang!  Uumpisahan na daw na gamitin ang mga bagon ng Dalian. Mukha namang  palalabasin na ang DoTr ang  ‘bida’ at siyang nagbigay lunas sa suliranin  (na sila rin ang pinagalingan!)

Isa itong halimbawa ng paninirang puri sa mabuting pangalan ng nakaraang administrasyon ngunit ang naparusahan ay ang madlang sumasakay sa MRT. Napaka-pait na malisya ang umiral sa bagay na ito. Ang sambayanang sumasakay sa MRT ang tunay na napinsala. Hindi ito gawain ng taong matino! Marami pa kayang mga alipores ang pangkat Duterte na ang  tanging hangarin ay alipustahin ang ka-kontra sa politika?

---------------------

ABOUT THE AUTHOR: 

Tomas 'Buddy' Gomez III began his professional media career in ABS-CBN's (previously Chronicle Broadcasting Network) DZQL-Radio Reloj in 1957, after which he spent 25 years with the Ayala Group.

In 1986, the then Pres. Cory Aquino appointed him Consul General to Hawaii and later served as her Press Secretary.

During the Ramos administration, he was chairman and president of state-owned IBC-13 Network.

After government service, he became an ‘OFW’ in the U.S., working as front-desk clerk and then assistant general manager of a hotel. He also worked as a furniture and antique restoration specialist.

He is now retired and lives in San Antonio, Texas.

His e-mail is: [email protected]

Disclaimer: The views in this blog are those of the blogger and do not necessarily reflect the views of ABS-CBN Corp.